SINO ang maaaring makaligtas sa Ebola at bakit? Isinapubliko ng mga health worker na gumagamot sa mga pasyente sa Sierra Leone, kabilang ang ilang namatay habang nagbibigay-lunas, ang pinakadetalyadong ulat tungkol sa aspetong medikal ng epidemya.

Ayon sa research, kabataan ang may pinakamalaking posibilidad na makaligtas sa Ebola, lagnat ang pinakakaraniwang sintomas nito at pinakamahalaga na maagapan ang sakit.

Ang ulat, na inilathala online noong Oktubre 29 ng New England Journal of Medicine, ay mula sa 47 doktor, nurse at iba pang nagbigay-lunas sa 106 na pasyente sa Kenema Government Hospital sa Sierra Leone, isa sa mga bansang West African na pinakamatinding naapektuhan ng Ebola.

Ang resulta ng kanilang pag-aaral ay nagbigay ng linaw tungkol sa sakit, na pumatay na ng mahigit 5,000 simula nang unang matuklasan nitong Abril, at ito ang pinakamalaking outbreak ng Ebola, ayon sa namuno sa pag-aaral na si Dr. John Schieffelin, isang infectious diseases specialist mula sa Tulane University School of Medicine.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Ayon sa pagsusuri, nasa 57 porsiyento lang ang fatality rate sa mga pasyenteng edad 21 pababa, pero nasa nakakatakot na 94 na porsiyento ang posibilidad ng kamatayan sa mga edad 45 pataas.

“They’re more resilient and younger and tougher,” ani Schieffelin.

“This is definitely the most detailed analysis” ng mga sintomas at factors kaugnay ng pagkakaligtas sa sakit, dagdag niya.

Ang isang malaking pangamba ay ang matinding diarrhea dahil sa Ebola.

“It requires a lot of intensive fluid therapy,” at kailangang agad na mapalitan ang body salts na tinatawag na electrolytes, upang matulungang makaligtas ang pasyente, ayon kay Schieffelin.

Ang mahahalagang tuklas sa pag-aaral sa Ebola:

*Kahit na may outbreak, mahirap tukuyin kung sino ang may Ebola. Sa 213 katao na sinuri sa mga sintomas ng hemorrhagic fever, kalahati lang, o 106, ang nakumpirmang may Ebola.

*Ang tinatayang incubation period ay anim hanggang 12 araw, kapareho ng mga naunang outbreak ng sakit.

*Lagnat ang pinakakaraniwang sintomas—89 na porsiyento ang mayroon nito nang ma-diagnose. Ang iba pang sintomas ay sakit ng ulo (80 porsiyento), panghihina (66%), pagkahilo (60%), pagtatae (51%), pananakit ng tiyan (40%), at pagsusuka (34%). Isang pasyente lang ang dumanas ng pagdurugo, at ang pinakamadalas makaramdam ng panghihina, pagkahilo at pagtatae ay malaki ang posibilidad na mamatay.

Pito sa 47 sumulat sa pag-aaral ang namatay—anim sa kanila ay dahil sa Ebola at isa ang na-stroke. - Associated Press