Ni ANNA LIZA VILLAS-ALAVAREN
Pinakilos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) noong Lunes ang mga pinaghalong grupo bilang bahagi “Oplan Kaluluwa” contingency measures para sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day.
Sinabi ni MMDA chairman Francis Tolentino na sinimulan na ng ahensiya ang pagpili ng 2,500 tauhan na binubuo ng mga traffic constable, rescue group, sidewalk clearing group, at iba pa.
Itatalaga ang mga traffic constable, kasapi ng sidewalk clearing operation at rescue teams sa mga priority traffic points, kabilang na ang mga terminal ng bus sa Metro Manila gaya ng Araneta Center, Mindanao Avenue at Cubao sa Quezon City, EDSA Pasay, gayundin sa Balintawak, Dangwa at Sampaloc sa Manila, port area, Southwest at South Interim Provincial Terminals, Ninoy Aquino International Airport, sa inaasahang pagdagsa ng mga uuwi sa mga probinsiya para dalawin ang libingan ng kanilang mga namayapang mahal sa buhay.
“We will use breath analyzers during random alcohol tests among provincial bus drivers at terminals,” sabi ni Tolentino.
Mahigpit ding babantayan ang apat na pangunahing sementeryo sa Kamaynilaan – ang Manila North, Manila South, Loyola Memorial Park sa Manila at Manila Memorial Park sa Parañaque City.