Hindi napigilan ang National Capital Region (NCR) upang isukbit ang overall championship at ang napakahalagang Perpetual Trophy matapos na dominahin ang kompetisyon ng 2014 MILO Little Olympics National Finals noong Linggo sa Marikina Sports Complex sa Marikina City.

Kinamkam ng Big City bets ang kabuuang 298.5 puntos para sa ikalawang puwesto sa elementarya at 349 puntos naman para manguna sa sekondarya tungo sa pinagsamang 647.5 puntos upang tanghaling pangkalahatang kampeon sa ika-27 edisyon ng torneo na nilahukan ng 1,600 kabataang atleta.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Ayaw talaga ng mga bata na hindi nila maiuwi ang Perpetual Trophy. Sila mismo ang nagsabi na gagawin nila ang lahat ng makakaya nila para manalo sila at maibigay sa NCR ang titulo,” pagmamalaki ni NCR regional organizer Dr. Robert Milton Calo bago isagawa ang closing ceremony ng torneo na suportado ng Wilson, Mikasa, Molten, Butterfly, Marathon, Smart Communications, 2Go Travel at City Government of Marikina kung saan ay inendorso din ng Department of Education (DepEd), Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC).

Pumangalawa ang Visayas na unang nagbulsa ng Perpetual Trophy sa natipong 315 puntos sa elementarya at 248 sa sekondarya para sa kabuuang 563 puntos. Pumangatlo ang Mindanao sa 232.5 (elementary) at 203.5 (secondary) para sa 436 puntos at ikaapat ang Luzon na may 174 sa elementarya at 219.5 puntos sa sekondarya para sa kabuuang 393.5 puntos.

Bagamat muling nabigo na tanghaling overall sa elementary kung saan nanguna ang Visayas, tinipon nang husto ng NCR ang pinakamaraming puntos sa sekondarya sa pagwawagi ng 13 pinaglabanang sports upang hablutin ang tropeo na simboliko ng pagiging tatlong sunod na kampeon sa mahirap na National Finals.

Ang tanging mga nagwagi ng gintong medalya lamang sa ginanap na regional legs ang lumahok sa National Finals.

Nagtagumpay ang NCR sa athletics, gymnastics, swimming, girls’ taekwondo at team sports na tulad ng girls’ volleyball, football, boys’ chess, sepak takraw at tennis upang dominahin ang secondary division.

Pumangalawa ang Visayas sa sekondarya sa natipong 248 puntos habang pumangatlo ang Luzon sa 219.5 puntos at ikaapat ang Mindanao sa kabuuang 203.5 puntos.

Namayani naman ang Visayas sa elementary division sa naitalang 315 puntos habang pumangalawa ang NCR sa 298.5 puntos. Pumangatlo ang Mindanao sa 232.5 puntos habang ikaapat ang Luzon sa 174 puntos.