Ni LESLIE ANN G. AQUINO

Bukas sa posibilidad ang isang obispo para personal na makaharap si Vice President Jejomar Binay, na pinagtutuunan ngayon sa imbestigasyon ng subcommittee ng Senate Blue Ribbon dahil sa umano’y pagkakasangkot sa overpriced na parking building sa Makati City.

Sinabi kahapon ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na nais niyang makausap si Binay at pakinggan ang panig nito, gaya ng pakikipag-usap niya sa dating bise alkalde ng Makati na si Ernesto Mercado.

Nitong Biyernes ay nakipag-usap si Pabillo kay Mercado sa tanggapan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa Intramuros sa Maynila, kasama ang ilang pari at madre.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

“We just want to hear their point. We are also willing to meet with Binay if he is willing,” sinabi ni Pabillo sa isang panayam. “I’ll urge him to tell the truth. We will also verify from him if these allegations against him are true.”

Gayunman, duda si Pabillo kung makikipag-usap sa kanya ang Bise Presidente, batay sa mga dati na nilang karanasan sa opisyal.

“We have long been asking for a meeting with him with regard to the urban poor but he just sends a representative,” aniya.

Kaugnay ng pulong nila kay Mercado, sinabi ni Pabillo na inulit ng dating bise alkalde sa kanila ang mga testimonya nito sa mga pagdinig ng Senado na nailabas na sa media.

“It’s also the same with what came out in the newspapers, but there are also things that he said that he has yet to reveal due to lack of evidence,” sabi ni Pabillo.

Sinabi ni Pabillo, na chairman ng Public Affairs Committee ng CBCP, na gaya ng ibang Pilipino ay katotohanan din tungkol sa kontrobersiya ang hangad ng Simbahan.

“We need to be involved in this (kontrobersiya) because we are talking here of corruption which involves the people’s money,” ani Pabillo.