Mistulang laro ng ‘Laban o Bawi’ ang inihahandang debate nina Vice President Jejomar Binay at Senator Antonio Trillanes IV dahil iba na ang pahayag ng kampo ng Bise Presidente.
Una nang inihayag ng kampo ni VP Binay na “ill advised” ang gagawing debate dahil hindi naman daw karapat-dapat si Trillanes na makaharap ni VP Binay.
Magugunita na mismong si Binay ang naghamon ng debate, na tinanggap naman ng Senador.
Ang paghamon ay ginawa ni VP Binay para sagutin sa publiko ang mga akusasyon laban sa kanya kaugnay ng sinasabing anomalya sa mga proyekto sa Makati City Hall noong siya pa ang alkalde ng siyudad.
Ayon kay Trillanes, handa siya kahit saan ganapin ang debate o kahit pa gawin ito sa Hacienda Binay sa Rosario, Batangas.
“Nakahanda naman ako, sila ang naghamon, pero iba na ang salita nila ngayon, nagtataka nga ako kung bakit ako ang hinamon ni VP Binay,” ani Trillanes.
Aminado si Trillanes na dehado siya sa debate dahil batikang pulitiko at isang abogado si Binay, kumpara sa kanya na isang sundalo at hindi, aniya, sanay na magsalita, pero ang tanging lakas ng loob umano niya para tanggapin ang alok ni VP Binay ay ang katotohanan.