Ni Elena L. Aben

Dahil sa pagpapamalas ng kahinahunan at propesyunalismo, gagawaran ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Gregorio Pio P. Catapang Jr. ng plaque of recognition si Army Technical Sergeant Mariano Pamittan na nanatiling kalmado kahit pa itinulak at nasaktan sa pagpigil niya sa mga tumawid sa bakod ng pasilidad ng Mutual Defense Board-Security Engagement Board (MDB-SEB) sa Camp Gen. Emilio Aguinaldo sa Quezon City kamakailan.

Isa si Pamittan sa mga tauhan ng AFP na nakatalaga upang tiyakin ang seguridad ni US Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton, na sangkot sa pagpatay noong Oktubre 11 kay Jeffrey “Jennifer” Laude sa Celzone Lodge sa Olongapo City.

Sinabi ni Lt. Col. Harold M. Cabunoc, hepe ng AFP Public Affairs Office (PAO), na pararangalan si Pamittan dahil sa propesyunalismo sa nasabing insidente noong Oktubre 22 sa MDB-SEB na roon pansamantalang nakapiit si Pemberton.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon kay Cabunoc, si Pamittan ang on-duty sa pagbabantay sa pasilidad nang ilegal na tumawid sa bakod ang German fiancé ni Laude na si Marc Sueselbeck at isa sa mga kapatid ni Laude na si Marilou.

Matapos pumakabila sa bakod, itinulak ni Sueselbeck ang pumipigil sa kanyang si Pamittan.

Sa panayam, sinabi ni Pamittan na nakikisimpatiya siya sa pamilya ni Laude at hangad din niya ang katarungan para sa biktima, pero kailangan umano niyang tumupad sa kanyang trabaho—at iyon ay ang tiyakin ang seguridad ni Pemberton.

Aniya, sinabihan niya sina Marilou at Sueselbeck na restricted ang lugar at maaaring maaresto ang dalawa.

Ayon kay Cabunoc, napahanga si Catapang sa mabuting paguugali ni Pamittan sa nasabing tensiyonadong insidente sa MDBSEB compound.