Sa Pilipinas, ang pulitika ay isang uri ng adhikain o ambisyong makapaglingkod sa bayan. Gayunman, baligtad sa tunay na layuning ito; ang pulitika ay ginagamit ng mga pulitiko hindi para maglingkod sa mamamayan kundi magpayaman at magtatag ng political dynasty upang manatili sa puwesto sa mahabang panahon. Ginagamit din ito ng ilang pulitiko sa paninira laban sa katunggaling pulitiko upang manalo at magkamal ng milyun-milyong kickback habang nasa posisyon.

Sa kasalukuyang sistema ng pulitika sa bansa, namamayani ang batuhan ng putik, pagkalkal sa mga sikreto o bagaybagay sa buhay ng pulitiko, maging ito ay imbento o katotohanan upang makuha ang boto ng tao matapos manira ng kalaban at makapagmudmod ng isang supot ng bigas, kape, sardinas at gatas.

Ganito ang dinaranas ngayon ni Vice President Jejomar Binay na inaakusahang nag-overprice sa Makati City Parking Building (P2.2 bilyon) at pagkakaroon diumano ng 350-ektaryang hacienda sa Rosario, Batangas noong siya pa ang alkalde ng siyudad gayong kayliit ng suweldo niya bilang mayor eh bakit nakapag-ari raw ng gayong kalawak na ari-arian? Dahil dito, patuloy sa pagsisid ang approval at trust ratings ni VP Binay na patuloy sa pagtangging humarap sa pagdinig ng sub-committee ng Blue Ribbon Committee dahil siya raw ay hinusgahan na ng komite kaya bakit pa siya dadalo. Gayunman, sa survey ng Social Weather Station (SWS), nais daw ng 8 sa 10 tao humarap siya sa Senado at ipaliwanag ang mga alegasyon sa kanya. Noong Martes, binalewala lang ni VP ang resulta ng SWS survey at sinabing sa halip na dumalo sa hearing,siya ay didiretso sa taumbayan at sa kanila siya magpapaliwanag. Bakit siya natatakot sa Senado kung wala siyang kasalanan at puro imbento ang mga alegasyon laban sa kanya?

Sa Wikipedia (Free Dictionary), ang polititcs ay tinutukoy bilang “art or science of government or governing, especially the governing of a political entity, such as a nation and the administration and control of its internal and external affairs”. Sa Wikipedia pa rin, “Politics is the practice and theory of influencing other people on a global, civic or individual level.” Samakatwid, malayung-malayo ang ganitong mga depinisyon sa pulitika na umiiral sa Pinas.
National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte