Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng Philippine National Police-Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (PNP-AIDSOTF) ang apat na lalaki, kabilang ang sinasabing leader ng hinihinalang sindikato ng droga sa isang drug operation sa Taguig City, kahapon.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) o pagbebenta ng ilegal na droga si Larex Pepino, sinasabing leader ng grupo, gayundin ang mga kasama niyang sina Jayborn Ruira, Jahar Radin at Nelson Conarco.
Nasamsam ng awtoridad mula sa mga suspek ang 400 gramo ng umano’y shabu na unang ibinenta sa isang police asset na nagpanggap na buyer kapalit ang P500,000 marked money sa Bayani Road sa Western Bicutan.
Agad na inaresto ng AIDSOTF ang apat na suspek at nakumpiskahan pa ang mga ito ng siyam pang plastic bag ng ilegal na droga na aabot sa apat na kilo, na nagkakahalaga ng P12 milyon.
Masusing sinisiyasat ng awtoridad ang hinala na posibleng sa isang mas malaking sindikato ng ilegal na droga kabilang ang mga suspek.