NAGSIMULA na kamakailan ang ipinangangalandakan ng gobyerno na 4-day work week. Ang ibig sabihin nito, apat na araw na lamang ang pasok ng mga nagtatrabaho sa gobyerno at sa pribadong kumpanya naman ay bahala na ang mga namamahala. Kung gustong gayahin ito, puwede! Ito ay sa National Capital Region muna.

Ang dahilan ng magagaling na nagpanukala nito ay para mabawasan daw ang sobrang pagsisikip ng trapiko. Kung hindi pa rin mabawasan, siguro ay mababawasan uli ng araw para maging 3-day work week naman at kung wa-epek pa rin, baka hindi papasukin ang mga empleado ng gobyerno at suwelduhan na lamang tuwing a-kinse at katapusan. Ganyan kung lumutas ng problema ang magagaling nating mga opisyal. Kung baga sa isang “doktor kagaw,” kapag nagkasakit ka at hindi ka mapagaling, gigilitan ka na para matigok at mawala na ang sakit mo.

Ang problema nito ay kung hindi pa rin mapaluwag ang trapiko at ang mapagbalingan naman ay ang mga mag-aaral, baka bawasan din ang araw ng pasok ng mga ito. Di bale nang maging tangang lahat ang mga estudyante basta maluwag lamang ang trapiko. Lintik na buhay!

Kung iyang limang araw nang nagsisipasok ang mga empleado ng gobyerno ay nagkakahetot-hetot pa rin ang kanilang serbisyo paano pa kung babawasan mo? Kalimitan, kung may kailangan kang lakarin saan man sangay ng gobyerno ay mapapantot ka ng hindi ka napagseserbisyuhan. Nagkakatulog ka sa upuan mo sa kahihintay sa gagawa ng kailangan mo. Inuuna ng mga empleado at empleada ang kuwentuhan at tsismisan. May papasok ng huli na ay hindi pa magtatrabaho agad. Magtutungo muna sa CR at magpupulbos, magli-lipstick, magtu-toothbrush at kung anu pang mga kalintikan ang gagawin. Ang mga lalaki naman ay magsisipanigarilyo muna, magsusuklay, magbubunot ng balahibo sa ilong at kung anu-ano pa.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Pagkatapos para lamang lumuwag ang trapiko ay babawasan mo ang araw ng trabaho? Iyan ba ang tinatawag na public service? Kung minsan ay tila hindi na nag-iisip ang ating mga opisyal ng gobyerno. O, baka talagang walang mga isip.