Ngayon pa lang ay maaari nang makabili ng memorabilia ni Pope Francis.
Ayon kay Caritas Manila Executive Director at Radio Veritas President Fr. Anton Pascual, sa ilalim ng Pope merchandise campaign ay makabibili ng mga memorabilia gaya ng mga T-shirt, pin at iba pa souvenir items.
Layunin, aniya, ng nasabing proyekto na makalikom ng pondo upang makatulong sa mahihirap na isa sa mga personal na adbokasiya ng Papa, gayundin sa mga gastusin sa papal visit.
Nabatid na ang Social Services and Development (SSD) Ministry ng Caritas Manila ang isa sa mga naatasan na maglabas ng iba’t ibang collaterals para sa pagdating ni Pope Francis.
“Ang ating SSD Ministry ng Caritas, ‘yung Social Service and Development Ministry, sila ang isa sa mga naatasan na puwedeng maglabas ng mga collaterals using the logo, official logo para nga makatulong sa mahihirap, at para makapag-donate din tayo sa gastusin sa papal visit, kasi siyempre, marami ring gastos ‘yan. Kaya ang ating committee ay humihingi ng donation from the public kung may donation na manggagaling sa collaterals,” ani Pascual.
Sinimulan ang kampanya ngayong Oktubre, o 100-araw bago ang pagbisita ni Pope Francis sa bansa sa Enero 15 hanggang 19, 2015.