NOON ay may sumulpot na Arab Spring sa Middle East at ilang parte ng Africa na nagpabagsak sa ilang lider at diktador ng mga bansa. Kabilang dito sina ex-Egyptian President Hosni Mubarak, Col. Moamar Khadafy ng Libya, at ang lider ng Yemen at Turkey. Ang Arab Spring ay pinangunahan ng kabataan, estudyante at makabayang mamamayan na pinag-isa ng komunikasyon sa pamamagitan ng e-mail, celfone at Internet connections. Maging mitsa rin kaya ngayon ang Umbrella Protest ng pro-democracy students sa Hong Kong sa pagbagsak ng Beijing government tungo sa pagkakaroon ng demokrasya at kalayaan ng 1.3 bilyong mamamayan ng China? Tandaang malakas ang puwersa, impluwensiya ng kabataan at mga estudyante. Tandaang ang mga estudyante at mag-aaral ang nagpabagsak sa gobyerno ni ex-President Suharto na lubhang napakatagal sa kanyang panunungkulan sa Indonesia.

Sa Senate hearing noong Martes, nabunyag na si PNP Director-General Alan La Madrid Purisima ay nakabili ng mamahaling sport utility vehicle (SUV) sa presyong P1.5 milyon lamang gayong ang tunay na halaga nito ay P4.5 milyon. Labis ang pagtataka ni Sen Grace Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Order, kung paano nagawa ni Purisima na mabili ang luxury car. Katwiran ni PNP chief, binigyan daw siya ng malaking discount ng car dealer sa San Fernando Pampanga. Wow, napakalaking discount naman nito na kaloob ng nasabing car dealer! Nagtatanong ang publiko kung walang “strings attached” sa naturang bilihan dahil ilang milyong discount ang ibinigay sa hepe ng pambansang pulisya. Nang malaman ito ni Tata Berto, “napa-Santa Maria Purisima, napupuno ka ng grasya” siya. Sabi naman ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “’Di mo ba alam na intelihensiya plus delihensiya means Purisima kaya meron siyang mansion sa Nueva Ecija at White House pa sa Camp Crame.”

Batay sa pinakahuling ulat, iniiwasan na raw ng mga taong kabilang sa tinatawag na middle class ang mga junk food. Well, hindi lang iyong may konting pera ang dapat umiwas sa junk foods upang maiwasan ang alta presyon, diabetes, arthritis at iba pang sakit na dulot ng mga basurang pagkain.
National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!