LINGAYEN, Pangasinan– Hinimok ni Governor Amado T. Espino Jr. ang Team Pangasinan na pagbutihin ng mga ito ang pagsabak sa Batang Pinoy habang inatasan rin ang mga opisyal ng sports at tournament managers na mamili ng mga pinakamahuhusay na atleta na magrereprisinta sa probinsiya sa prestihiyosong youth games sa bansa.
“Let us work together and assure that we have contenders in all sporting events of the Batang Pinoy,” pahayag ni Governor Espino sa opening program ng province-wide Batang Pinoy elimination games sa Narciso Ramos Sports and Civic Center (NRSCC) Gym noong Setyembre 26-27.
Ang elimination games ay nilahukan ng kabuuang 2,508 athletes, coaches at trainers na mula sa 34 mga bayan at apat na siyudad sa mismong main venue sa NRSCC.
Kabuuang 294 atleta na dumaan sa masusing pag-aaral at proseso ang mapapahanay sa Team Pangasinan na lalahok sa Batang Pinoy-Luzon leg sa Naga City.
“Athletes will undergo intense training for weeks before they will be sent for the regional games,” dagdag pa ni Governor Espino. - Liezle Basa Iñigo