Ni GENALYN KABILING

Nahaharap sa mga alegasyon ng pangingikil, nagbitiw sa kanyang puwesto si National Food Authority (NFA) chairman Arthur Juan noong Huwebes, idinahilan ang mahinang kalusugan.

“It is with regret and sadness that we received yesterday afternoon (Sept. 25) the irrevocable resignation of Mr. Art Juan. He cited failing health as the reason for his stepping down,” sinabi ni Presidential Assistant on Food Security Francis Pangilinan.

Sinabi ni Pangilinan na ipinalaam na niya kay Pangulong Aquino ang tungkol sa pagbibitiw ni Juan noong Biyernes ng umaga. “He replied saying that we will meet as soon as possible to discuss and decide next steps,” sabi ng dating senador.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Unang nag-alok si Juan na magbitiw noong nakaraang buwan matapos isangkot sa kontrobersiya ng pangingikil. Nang panahong iyon, kinumbinse ni Pangilinan si Juan na manatili sa puwesto dahil hindi naman napatunayan ang mga alegasyon laban dito.

Gayunman, sa nag-leak na imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI), inirerekomenda ang pagsasampa ng kasong graft laban kay Juan at sa kanyang assistant dahil sa diumano’y pangingikil ng P15 milyon sa isang rice trader. Nag-ugat ang imbestigasyon ng NBI sa reklamo ng isang rice trader sa Bulacan na inakusahan si Juan ng paghingi ng pera kapalit ng muling pagbubukas ng kanyang ipinasarang bodega.

Sa kabila nito, kumbinsido pa rin si Pangilinan na inosente si Juan.

“I continue to believe he is innocent of the charges brought against him,” ani Pangilinan.

“This is a temporary setback in our reform efforts and it will not stop us from pursuing sweeping reforms in the NFA and the rice trade in the country,” dagdag niya.

Itinanggi ni Juan ang mga akusasyong ibinabato sa kanya. Si Juan, dating pangulo ng San Miguel Foods Inc., ay itinalaga sa NFA noong Hunyo.