Laro ngayon: (MOA Arena)
4 p.m. FEU vs. La Salle
Makamit ang tinatarget na unang finals berth ang tatangkain ng Far Eastern University (FEU) sa muling pagtatagpo nila ng defending champion De La Salle University (DLSU) sa pagpapatuloy ng Final Four round ng UAAP Season 77 basketball tournament sa MOA Arena sa Pasay City.
Sisikapin ng Tamaraws na magamit ang nakamtang twice-to-beat edge kontra sa Green Archers sa kanilang nakaraang playoff para sa No. 2 spot.
Ang nasabing 65-60 panalo ang ikatlong panalo ng FEU kontra sa La Salle sa taong ito, matapos din nilang mamayani sa Green Archers sa nakalipas na double round eliminations.
Gayunman, sinabi ni coach Nash Racela na wala pa silang dapat na ipagsaya dahil hindi pa nila nagagawang abutin ang target nila, at ito ay ang makapasok sa kampeonato.
“We haven’t achieve anything yet. We still have to beat La Salle one more time to make it to the finals,” ayon pa kay Racela.
Inaasahan ni Racela na magsisikap na makabawi ang Green Archers kaya naman paghahandaan din nilang mabuti ang kanilang susunod na pagtatagpo.
“Siyermpre, walang ibang gusto ang mga iyan kundi makabawi, so kailangan naming na mas maging focus sa aming laro at huwag magkumpiyansa kahit tinalo pa namin sila ng tatlong beses,” dagdag pa nito.
Gaya ng dati, sasandigan ni Racela para sa hinahangad nilang pagpasok sa kampeonato na huli nilang nagawa noong 2011, sina Mike Tolomia, Mythical Team member Mark Belo, Axie Iñigo, Anthony Hargrove, Roger Pogoy, Carl Cruz at Raymar Jose.
Para naman sa Green Archers, inaasahan naman na maghahabol sila upang makabawi kung saan ay mamumuno sina team captain Jeron Teng, Arnold Van Opstal, Almond Vosotros, Jason Perkins at Kib Montalbo.