Ni JC BELLO RUIZ
NEW YORK CITY – Inihalimbawa ni Pangulong Aquino ang kinahinatnan nina dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Grace Padaca at dating Laguna Lake Development Authority (LLDA) General Manager Nereus Acosta, na kapwa niya kaalyado sa pulitika, na nasibak sa puwesto bilang patunay na walang sinasanto ang kasalukuyang administrasyon sa kampanya laban sa katiwalian sa gobyerno.
Ito ang naging tugon ni Aquino sa tanong ni Liwayway Arce, isang estudyante mula Pilipinas sa ginanap na World Leaders Forum sa Columbia University kung patas ang pagtrato sa mga nasasangkot sa katiwalian sa Pilipinas – kaalyado man o oposisyon.
Iginiit ni Arce, isang estudyante ng Master of Law, na binoto niya si PNoy noong 2010 elections dahil sa kampanya nitong “Daang Matuwid.”
Ibinandera ni Aquino ang pagkakakulong ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo bunsod ng iba’t ibang katiwalian at maging sina Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Ramon “Bong” Revilla Jr.
"Their cohorts in the pork barrel scam are also in jail, in detention awaiting trial," pahayag ni Aquino.
Hindi pa nakuntento, tinanong si Aquino ni Arce. “Mayroon po bang taga-Liberal Party?”
Dito na binanggit ng Pangulo sina Padaca at Acosta na kapwa kinasuhan matapos masangkot sa katiwalian.
"Perhaps you should look at other websites besides the ones you have been watching," dagdag ni PNoy.