Inaasahang magkakabanggaan ang dalawang pangunahing liga ng volleyball sa bansa sa pagsisimula ng Philippine Super Liga (PSL) ng ikalawa nitong kumperensiya na Grand Prix sa Oktubre 18 at ikatlong kumperesensiya naman ng V-League na nakatakdang simulan sa Setyembre 28.

Ito ang napag-alaman mula sa mga koponang kasali sa dalawang liga na kinakailangan ngayong mamili kung alin ang sasalihan dahil sa halos magkasabay na pagsasagawa ng torneo.

Lubhang nanghihinayang hindi lamang mga manlalaro kundi pati na rin ang coaches sa bihirang pagkakataon na makapagpartisipa sa mga inoorganisang torneo partikular sa isport ng volleyball na matagal na nanahimik bago na lamang muling umangat ang popularidad.

Isasagawa naman ng PSL ang liga nito na tatawaging Grand Prix na tampok ang limang koponan sa men’s division at anim na koponan sa women’s division na kung saan kasali ang mga import mula sa US, Russia, Brazil at Japan simula Oktubre 18.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Idinahilan ng mga koponan na lubhang mahihirapan ang kanilang mga manlalaro na maglaro ng sunod-sunod na araw pati na rin ang paghahabol sa iskedyul ng mga laro sa napipintong pagsasabay ng dalawang liga.

Ang anim na koponan na magsasagupa sa PSL Grand Prix ay binubuo ng Cignal HD Spikers, Generika Drugstore, PLDT Home TVolution Power Attackers, Petron Blaze Spikers, RC Cola-Air Force Raiders at ang pinakabagong koponan na Puregold.

Nakatakda namang magbukas sa Setyembre 28 ang 11-taon na V-League na tampok ang mga koponang Ateneo Lady Eagles, Cagayan Valley Lady Rising Suns, NU Lady Bulldogs, Philippine Air Force Air Spikers, Philippine Army Lady Troopers, Philippine National Police Lady Patrollers, PLDT Home Telpad Turbo Boosters at UP Lady Maroons.