Ni KRIS BAYOS
Ang Korte Suprema ang magdedesisyon sa pinal na lokasyon ng planong Common Station na mag-uugnay sa Light Rail Transit (LRT) Line 1 at Metro Rail Transit (MRT) Line 3, matapos mangako ang gobyerno at ang pribadong sektor na tutupad sila sa anumang magiging pasya ng kataas-taasang hukuman.
Bagamat kinukumbinse ng Department of Transportation and Communications (DoTC) ang SM Prime Holdings Inc. (SMPHI) na iurong na ang kaso na kumukuwestiyon sa desisyon ng gobyerno na ilipat sa Trinoma Mall ang LRT-MRT Common Station mula sa orihinal na lokasyon malapit sa SM North EDSA, nagkasundo naman ang SMPHI at ang Light Rail Manila Consortium (LRMC), na nakakuha sa P65-bilyon LRT 1 Cavite Extension Project at magdidisenyo sa Common Station, na tutupad sila sa resolusyon ng Supreme Court (SC) sa usapin.
Inamin ni DoTC spokesperson Atty. Michael Sagcal na matatagalan ang pagdedesisyon ng SC sa pinal na lokasyon ng Common Station, pero sinabing maaari namang magtayo ang gobyerno ng dalawang Common Station.
Tinukoy ni Sagcal ang naunang “win-win” solution na iminungkahi ni Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya na magtatayo ng dalawang Common Station: isang malapit sa SM North EDSA mall para iugnay ang LRT 1 sa pinaplanong MRT 7 at isang malapit sa Trinoma Mall na mag-uugnay naman sa LRT 1 at MRT 3.
Batay sa orihinal na plano, pag-uugnay-ugnayin ng Common Station ang LRT 1, MRT 3 at ang panukalang MRT 7. Ayon sa records ng gobyerno, may average na 500,000 ang araw-araw na sumasakay sa LRT 1, habang 540,000 naman ang sa MRT 3. Ang planong MRT 7, na bibiyahe mula North Avenue sa Quezon City hanggang sa San Jose del Monte, Bulacan, ay inaasahang magbibiyahe sa mahigit dalawang milyong pasahero.