Tiniyak ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Gregorio Pio Catapang na sapat ang seguridad na kanilang inilatag para sa pagbisita ni Pope Francis sa bansa sa susunod na taon.
Ito ang naging pahayag ni Catapang na aniya’y gagawin nila ang lahat upang maprotektahan ang Papa. Ayon kay Catapang, kasakuluyang naghahanda ang AFP ng isang masusing plano para sa Papa.
Nakatakdang bumisita si Pope Francis sa bansa sa Enero 15 hanggang 19 kung saan ay partikular na dadalawin nito ang Tacloban na sinalanta ng super typhoon “Yolanda”.
Magkakaroon din ng ilang aktibidad si Pope Francis sa Metro Manila.
Sinabi pa ng AFP chief na kanilang ikinatuwa ang nakatakdang pagbisita ni Pope Francis sa bansa.
Nabatid kay Catapang na magtutulungan ang AFP at Philippine National Police (PNP) upang matiyak ang seguridad ng Papa sa apat na araw na pagbisita.