COTABATO CITY – Walumpu’t anim na barangay sa 12 sa 36 na bayan sa Maguindanao ang naapektuhan ng baha at pagguho ng lupa na dulot ng ilang araw na pag-uulan, ayon sa pamunuan ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Bagamat nilinaw na walang nasaktan at nailikas, sinabi ni ARMM Executive Secretary Laisa Alamia na may kabuuang 25,246 na residente ang binaha sa loob ng kani-kanilang bahay, na ang iba ay nasira sa putik at mga gumuhong bato.

Karamihan sa mga apektadong barangay ay nasa Mamasapano, Shariff Saidona Mustapha, Pagalungan at Datu Montawal. Binaha rin naman ang Upi, Ampatuan, Datu Abdullah Sangki, Datu Paglat, Rajah Buayan, Sultan sa Baronggis at Sultan Kudarat.

Bukod sa mga bahay, nalubog din sa baha ang mga eskuwelahan, health center at ilang ektaryang palayan, ayon sa ARMM-Humanitarian Emergency Action Response Team (HEART), na pinamumunuan ni Alamia.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Agad namang namahagi ang mga empleyado ng ARMM-Heart ng bigas at mga pagkaing de-lata sa mga apektadong residente, ayon kay Alamia.

Samantala, inihayag ng North Cotabato Disaster Risk Reduction Response Office na masusi ang kanilang monitoring sa mga bayan ng Pikit at Kabacan dahil din sa baha.

Ilang pamilya ang lumikas mula sa mga binaha nilang bahay sa Barangay Pedtag sa Kabacan, habang landslides naman ang dinanas ng mga taga-Bgy. Tumanding sa Arakan at mga residente ng Bgy. Bagumbayan sa Magpet. - Ali G. Macabalang