Inaprubahan ni Justice Secretary Leila de Lima ang paghahain ng kasong murder laban kina dating Davao Del Sur Governor Douglas Cagas, Matanao Mayor Vicente “Butch” Fernandez at sa dalawang iba pa kaugnay ng pagkakapatay noong 2010 sa mamamahayag na si Nestor Bedolido.

Binaligtad ang findings ng prosekusyon na nagpawalang-sala sa mga akusado, ipinag-utos ni De Lima sa Digos City Prosecutor’s Office na agad na kasuhan sina Cagas, Fernandez, Ali Ordaneza at Bado “Bado Baritua” Sanchez, at pinalugitan ng 10 araw ang local prosecutor para magsumite ng compliance report.

Kasabay nito, binawi ng kalihim ang paunang kaso na isinampa sa gunman na si Voltaire Mirafuentes, sa kapatid nitong si Henry Jr. at sa isa pang akusado na si Artemio “Dokdok” Timosan Jr.

“We hold that the investigating prosecutor and the Prosecutor General erred in applying the res inter alios acta rule during the preliminary investigation of the case. Applying the res inter alios acta ruled during the preliminary investigation will prevent witnesses to repeat in court during the trial their extrajudicial confessions and result in loss of opportunity to transpose such confessions into judicial admissions to render them admissible in evidence,” saad sa 16 na pahinang resolusyon ni De Lima.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Consultant ng lingguhang pahayagan na Katigador, si Bedolido ay dating consultant ni Cagas bago sila nagkaalitan hanggang suportahan ng una ang karibal ni Cagas sa pulitika sa eleksiyon noong 2010, na napanalunan naman ni Cagas.

Hunyo 19, 2010 nang barilin si Bedolido sa Digos City ng isa sa magkaangkas sa motorsiklo.

Makalipas ang ilang buwan, sumuko sa pulisya si Mirafuentes, inamin ang partisipasyon sa pagpatay at itinuro sina Cagas at Fernandez na kapwa utak sa pagpatay habang tumulong naman umano sina Ordaneza at Sanchez sa pagpaplano sa pagpaslang kay Bedolido.

Sumailalim si Mirafuentes sa Witness Protection Program (WPP), habang wala namang sapat na ebidensiya laban kay Timosan.