Ang abogadong si Florin T. Hilbay, ang senior state prosecutor na tumulong upang maipanalo ng gobyerno ang constitutionality ng reproductive health (RH) law sa Supreme Court, ang pinangalanang acting Solicitor General.
Itinalaga ni Pangulon Benigno S. Aquino III si Hilbay, isang bar topnotcher, na pupuno sa nabakanteng puwesto ni Francis Jardeleza na nahirang kamakailan bilang Associate Justice ng Supreme Court.
Ang appointment paper ni Hilbay ay nilagdaan ng Pangulo noong Agosto 20 ngunit nitong Miyerkules lamang inilabas sa media.
Sa background na ibinigay ng Malacañang , ipinakita na si “Hilbay, kasama ang noo’y si Solgen Jardeleza ang sumalan sa oral argument at naipanalo ang kaso para sa RH law sa Supreme Court.”
Noong Abril 2014, pinagtibay ng Supreme Court ang constitutionality ng Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012 ngunit binura ang ilang probisyon.
Si Hilbay rin ang principal handling lawyer ng mga kaso ng gobyerno sa Disbursement Acceleration Program, Priority Development Assistance Fund, Enhanced Defense Cooperation Agreement, at sa mga kaso ng Bangsamoro, at iba pa.
Si Hilbay, nanguna sa 1999 bar exams, ay professor din sa UP College of Law. Siya rin ang editor ng IBP Law Journal. - Genalyn Kabiling