Ni SAMUEL MEDENILLA

Sinabi ng Department of Labor and Employment (DoLE) kahapon na handa itong tumulong sa posibleng mandatory repatriation ng overseas Filipino workers (OFW) sa mga bansang tinamaan ng Ebola sa West African region.

Ayon kay Labor and Employment Secretary Rosalinda Baldoz inihahanda na nila ang mga kasapi ng team na tutulong sa Department of Foreign Affairs (DFA) sa paglilikas ng mga OFWs sa Sierra Leone, Liberia, at Guinea.

Gayunman, sinabi ni Baldoz na kailangan pang makipag-coordinate ng DFA kung anong klaseng tulong ang hihilingin sa DOLE.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

“We will wait for the official request so we could act accordingly. If we are asked to join the rapid response team, we will deploy our personnel there,” ani Baldoz.

Inilabas niya ang pahayag matapos ianunsiyo ng DFA kahapon na pinag-iisipan nitong itaas ang crisis alert level sa 4, o mandatory repatriation phase, sa tatlong bansa sa West Africa sa harap ng pagtaas ng kaso ng Ebola sa mga nasabing bansa.

Nakataas ngayon ang crisis alert level 2, o restriction phase, sa tatlong African countries.

Idineklara ng World Health Organization (WHO) ang Ebola outbreak sa West Africa matapos maitala ang 2,473 kaso sa rehiyon.

Sinabi ng DFA na sa kasalukuyan ay mayroong 880 Pilipino sa Guinea, 632 sa Liberia, kabilang na ang 148 peacekeepers, at 1,979 sa Sierra Leone