Apat na PH cyclists ang magtatangkang makapag-uwi ng medalya sa paglahok nila sa 17th Asian Games sa darating na Setyembre 19 hanggang Oktubre 4 sa Incheon, South Korea.

Ang apat na siklista ay sina Myanmar SEA Games Individual Time Trial gold medalist Mark John Lexer Galedo at bronze medalist Ronald Oranza sa road race habang sa BMX ay ang magkapatid na sina 2012 London Olympian Fil-Am Daniel at John Patrick Caluag.

Sinabi ni Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling) president at Congressman Abraham “Bambol” Tolentino na optimistiko ang asosasyon na makakakubra ng medalya ang apat na siklista sa pagsabak sa kada apat na taong torneo.

“Ang alam namin ay palaban iyang apat. Kumbaga nga sa boksing, kahit bugbog na minsan ang Pinoy ay tumatayo pa rin at lumalaban at minsan nanalo pa rin,” paliwanag ni Tolentino.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Idinagdag ni Tolentino na ihahayag din sa lalong madaling panahon ng PhilCycling ang bagong komposisyon ng national training pool members na mala-national men’s basketball team format sa pagpokus na mga mas bata na under-23 years old.

“Iyon na ang ginagawa ng maraming counterparts natin sa cycling. Wala kaming dapat gawin kundi ganoon na rin kaya iyong mga may edad ay wala kaming magagawa kundi palitan na sila,” sinabi pa nito.