Iginiit ni Senate President Franklin Drilon sa Department of Transportation and Communication (DoTC) na agad pag-ibayuhin ang rehabilitasyon ng mga paliparan sa bansa para sa idaraos na Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) meeting sa susunod na taon.

Ayon kay Drilon, makatatangap ng P13.3 bilyon ang DoTC sa ilalim ng P2.606-trillion proposed national budget sa 2015.

Aniya, mainam na maging maayos ang mga paliparan dahil ito ang salamin ng kaunlaran ng isang bansa.

“It is in the airports that visitors get their first and last impression of a country. It is therefore important that we make sure that the first and last thing people see when they visit the nation is the sight of an efficient and capable airport,” ayon kay Drilon.

VP Sara, dinamayan tauhan niyang nakadetine sa Kamara dahil sa contempt order

Sinabi pa ng Senate President na magiging maganda ang imahe ng Pilipinas sa ibang bansa at kailangan lang na matiyak na maayos ang bidding process ng mga kontrata.

Makatatangap ng P592 milyon ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA), P1.20 bilyon naman para sa Clark International Airport, P950 milyon sa Kalibo Airport, P791 milyon sa Iloilo International Airport, P1.02 bilyon sa Busuanga Airport, P695 milyon sa Ozamis Airport, P678 milyon sa Camarines Sur Airport, at P959 milyon sa General Santos Airport, batay na rin sa nakasaad sa National Expenditure Program (NEP).

Makakakuha rin ang Puerto Princesa Airport at Bicol International Airport ng tig-P1.55 bilyon, at ang New Bohol (Panglao) International Airport Development Project at Laguindingan International Airport ay may P400 milyon at P75.44 milyon budget.

“We must then respond to the rising number of passengers flying in and out of the county with better service, improved facilities and more responsible airport management,” paliwanag ni Drilon. (Leonel Abasola)