Ni Jun Ramirez

Muling humirit ang Bureau of Internal Revenue sa mga mahistrado ng Korte Suprema na magsumite ng kanilang Statement of Assets and Liabilities and Net Worth (SALN) matapos tumanggi ang mga ito sa unang hirit ng BIR.

Sinabi ni BIR Commissioner Kim S. Jacinto-Henares na muling inihain ang aplikasyon mahigit isang linggo na ang nakararaan kaya naniniwala siya na tutugon ang mga mahistrado sa kanyang hiling sa ikalawang pagkakataon.

Bigo naman ang BIR chief na ihayag kung ano ang gagawin nitong hakbang kung hindi pa rin tumugon ang mga mahistrado.

Metro

Tatay na umano'y nambugbog, sugatan matapos gantihan at saksakin ng anak

Sa panayam sa isang programa sa TV5 kamakailan, binatikos ni Pangulong Aquino ang Korte Suprema sa hindi pagsunod sa kahilingan ng BIR.

Ipinaliwanag ni Henares na ang SALN ay gagamitin sa tax investigation at iba pang kritikal na isyu tulad ng kinakasangkutan ng isang “Ma’am Arlene” na sangkot umano sa pagmamanipula ng desisyon sa mga kaso sa hudikatura.

Ani Henares, ang kanyang hakbang ay walang kinalaman sa resolusyon ng Korte Suprema na nagdeklarang unconstitutional ang Disbursement Acceleration Program (DAP) na isinusulong ni Pangulong Aquino.

Isinumite ni Henares ang unang kahilingan sa mga mahistrado noong Disyembre para sa mga financial statement mula 2003 hanggang 2012 bago pa man naglabas ng desisyon ang Korte Suprema sa DAP.

Sinimulan ng BIR ang tax probe matapos maghain ang ahensiya ng P120 million tax evasion charges laban kay dating Chief Justice Renato Corona dahil sa kabiguan nitong ideklara ang kanyang ari-arian sa SALN at bayaran ang kaukulang buwis.