Ni ELLALYN DE VERA

Sinimulan na ng gobyerno ang pag-iimbestiga sa sinasabing smuggling ng anim na milyong kilo ng mga expired na imported meat.

Sinabi ng Department of Agriculture’s Bureau of Animal Industry (DA-BAI) na sinimulan na nitong repasuhin ang lahat ng kaukulang dokumento kaugnay sa meat imports ng bansa at susuriin ang iniulat na discrepancy sa available import data ng BAI at ng Bureau of Customs.

Inatasan na ni DA Undersecretary for Livestock Jose Reaño BAI Director Rubina Cresencio na i-collate ang mga kaugnay na dokumento, gaya ng import permits, sanitary at phytosanitary permits, veterinary quarantine clearance, at returned and disposed products with violations mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon at ikukumpara ito sa data mula sa BOC.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Pursigido ang BAI na makumpleto ang review sa loob ng isang linggo, ani Reaño.

Gayunman, hindi niya inaalis ang posibilidad na may mga cargo na hindi naisasalang sa inspeksiyon ng BAI quarantine officers pagdating sa mga daungan sa bansa. Ang mga shipment na ito ay maaaring hindi nairekord o nailista sa database ng bureau.

Upang matiyak ang kaligtasan ng pagkain, ang Department sa pamamagitan ng National Meat Inspection Service (NMIS) ay magsasagawa ng spot inspections sa warehouse o cold storage facilities ng mga kumpanyang nag-aangkat upang ma-validate ang kanilang stocks.

Paiigtingin din ng NMIS at ng mga lokal na sangay ng pamahalaan ang kanilang kampanya laban sa illegal meat sa pamamagitan ng masusing pagsusuri sa expiry dates ng mga produktong karne, at iba pang mga hakbang.

Ang mga mahuhuling lumalabag ay kukumpiskahin ang kanilang mga produkto at pagpapaliwanagin. Kapag hindi nakumbinse ang mga awtoridad sa kanilang paliwanag ay sasampahan sila ng kaukulang kaso ng NMIS.

Noong Martes, iniutos ni DA Secretary Proceso Alcala ang imbestigasyon sa posibleng pagpasok ng halos anim na milyong kilo ng expired imported meat sa bansa matapos magbabala ang Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag) na may 5.6 milyong kilo ng expired, imported at posibleng smuggled pork ang nakapasok sa merkado ng Pilipinas.