Bago pa man nanalasa ang bagyong ‘Yolanda’ ay matagal nang hinahangad ni Pope Francis na bisitahin ang Pilipinas na aniya’y malapit sa kanyang puso.
Ito ang ibinunyag ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa panayam sa kanya ng Vatican Radio.
Ayon kay Tagle, matapos ang conclave na naghalal sa puwesto kay Pope Francis, inimbitahan niya itong bumisita sa Asia, partikular sa Pilipinas, na halos kalahati ng populasyon ay Kristiyano.
Sinabi naman umano ng Papa na talagang nais niyang bumisita sa Asia dahil hindi ito nagawa ng nagretirong si Pope Emeritus Benedict XVI.
Bago pa nanalasa ang bagyong ‘Yolanda’, muling inulit ng Papa kay Tagle ang kagustuhan nitong makarating sa Asia at hiniling pa umano na mag-isip ng programa para dito.
“And since the Philippines 2014 was dedicated to the laity we thought we could have this as a theme for the Holy Father,” ani Tagle.
At matapos na manalasa ang super bagyo sa Visayas ay lalo pang nag-ibayo ang pagnanais ng Papa na magtungo sa Pilipinas, upang mabisita na rin ang mga sinalanta ng bagyo.
“The visit now acquired a new configuration. It’s not just a general or generic visit, but especially to show the Holy Father’s solidarity with the victims and survivors and to pray with these people,” pahayag ni Tagle. “He is coming especially to meet with the people who suffered on account of the typhoons and earthquakes that hit the country last year.”
Bibisita si Pope Francis sa bansa sa Enero 15-19, 2015 matapos na magtungo sa Sri Lanka, kaya puspusan na ang paghahanda para dito ng mga Pinoy.