Nagkasundo kamakailan ang ilang multi-milyonaryong Korean investors at ang negosyanteng si Pandi Mayor Enrico A. Roque para sa P10-bilyon investment project para sa Bulacan at mga karatigprobinsiya.

Malaki ang magiging puhunan sa Bulacan dahil na rin sa tiwala ng nasabing mga dayuhan kay Roque, pangulo rin ng liga ng mga alkalde sa lalawigan, dahil sa kakayahan at karanasan ng alkalde bilang negosyante. Sa katunayan, kinilala siya bilang isa sa mga outstanding entrepreneur sa Asia.

Ayon kay Roque, agad na sisimulan ang pagtatayo ng naglalakihang negosyo sa iba’t ibang bayan sa Bulacan, partikular na sa mga bayan na kulang sa pondo, upang makapagpatayo ng komersiyong gaya ng mga pamilihang bayan.

Ipapatayo ang mga commercial complex at mga supermarket, gaya ng Savemore, Puregold; ang Mercury Drug, ang mga big-time fast food chains na Jollibee at McDonalds, bukod pa ang mga pribadong palengke para sa mga bayang wala nito.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Kabilang din sa P10-bilyon investment ang unang Outlet Store sa bansa, na may 400 kilalang imported brand mula sa iba’t ibang bansa at itatayo sa may 15-ektaryang lupain sa Bulacan.

Isa rin sa malaking investment ay ang bubuksang Philippine Economic Zone Authority (PEZA) sa Bulacan.

“Nagiging magnet na ng investments at dumadagsa na sa Bulacan ang foreign at local investors dahil sa patuloy na pagyabong ng magandang pamamahala ng provincial leaders sa pangunguna ni Gov. Willy Sy-Alvarado,” ani Roque.

Labis namang ikinagalak ng mga kapwa alkalde ang mga nasabing proyekto ni Roque; hinangaan ang pagsisikap ni Roque para makahikayat ng mga Korean investor sa lalawigan dahil, anila, hindi lang unemployment sa Bulacan ang masosolusyunan nito kundi magbibigaydaan pa sa tuluy-tuloy na progreso ng probinsiya. - Omar Padilla