HINDI kakapusin ng dahilan upang masaktan ng mga paslit ang kanilang mga sarili. Nito lamang nakaraang mga araw, napabalitang nagtago ang apat na paslit sa likurang compartment ng kotse ng kanilang magulang upang makasama sa pagsisimba. Napakadelikadong situwasyon iyon. At kahit gawin mong ligtas ang iyong tahanan sa malilikot na mga kamay ng isang paslit o ang ikabit ang kanilang seatbelt sa kotse o ang iwang walang lamang tubig ang mga balde at planggana, talagang magugulantang ka kapag ang biglang umiyak ang batang iyong inaalagaan dahil nasaktan ito. Totoong makahahanap sila ng maaari nilang ikapahamak, nakatingin ka man o hindi.
Tayo ay nabubuhay sa daigdig na dinisenyo para sa mga adult, hindi para sa mga bata. At madalas na nakakaligtaan ang ng mga establisimiyento ang kaligtasan ng mga bata. Hindi ba may mga balitang naiipit ang mga bata sa escalator sa mga mall? Na nahuhulog ang mga bata sa siwang ng mga barandilya sa mga palapag ng mga gusali? May pambata bang salbabida sa mga barko? Inaasa ng mga establisimiyento sa mga magulang ang kaligtasan ng mga bata na marapat naman talaga.
Matumbahan man ang mga bata ng silya o ng mesitang may plorera, mahila man nila ang mantel ng hapag-kainan, makalulon man sila ng barya o kumain ng dishwashing paste o maipit ang kanilang mga daliri sa pinto at electric fan, maraming bagay sa loob ng tahanan na maaaring makapanakit sa bata.
Minsan, hindi sapat ang pagbabantay ng magulang o ng mga kapatid o ng sino mang nakatatanda upang maiwasan ang mga aksidente sa bahay na kinasasangkutan ng mga paslit, dahil hindi naman posible na sa lahat ng oras ay may nagbabantay sa kanila. May mga magulang na nakakalingat din.
Kailangang mabatid kung kailan maaaring tumalikod ang mga magulang dahil alam nilang ligtas ang kanilang anak sa loob ng playpen, at kung anu-anong situwasyon na kailangang tingnan nila ang kanilang mga anak sa lahat ng oras dahil maaaring mauwi sa trahedya kung hindi, halimbawa na lang sa swimming pool.
Sundan bukas.