Pinangunahan ng Iligan City National High School ang katatapos na Northern Mindanao leg habang nangibabaw naman ang St. John’s Institute sa Western Visayas stage ng Shakey’s Girls Volleyball League Season 12 regional qualifiers na idinaos sa Cagayan de Oro at Iloilo City, ayon sa pagkakasunod.

Kapwa bumalikwas ang ICNHS at SJI mula sa kanilang kabiguan sa first set bago umungos sa kanilang mga katunggali sa semifinals at walisin ang kanilang finals matches para makamit ang unang dalawang slots sa Shakey’s Volleyball League of Champions na dating kilala bilang Tournament of Champions na gaganapin sa Enero sa susunod na taon.

Tinalo ng Iligan City spikers ang Corpus Christi School, 17-25, 25-16, 25-17, sa semis bago pinataob ang Libertad National High School tossers, 25-15, 25- 18, 25-19, sa finals sa Nazareth gym sa Cagayan.

Ginapi naman ng SJI ang Central Philippine University, 13-25, 25-21, 25-12, sa semifinals bago pinayukod ang Living Stones International School, 25-

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

21, 25-16, 25-15, sa finals na ginanap sa Iloilo Doctors’ College gym.

Pinasadsad ng Corpus Christi ang Misamis Occidental High School, 25-14, 25-16, habang iginupo ng Central Philippines University ang St. Robert’s International Academy, 25-14, 25-11, upang makamit ang third place honors sa kanilang leg, ayon sa pagkakasunod sa taunang event na inorganisa ng Metro Sports sa pagsuporta ng Mikasa, Asics, Volley Prep at Millenia Suites.

Samantala, magbabalik ang aksiyon sa Mindanao sa susunod na linggo sa pagsisimula ng third leg o ang Southern Mindanao stage na gaganapin naman sa Davao Doctors College gym.

Ayon kay Metro Sports official Johanz Buenvenida, ang League of Champions sa susunod na taon ay lalahukan ng foreign teams na galing sa New Zealand, Australia, US at Bangladesh.

Inaasahang muling makakatuklas ng mga bagong talento sa torneo na pinanggalingan ng mga kasalukuyang tanyag na manlalaro na sina Alyssa Valdez, Abby Maraño, Ara Galang, Mika Reyes at Kim Fajardo, magkapatid na Dindin at Jaja Santiago, Jessey de Leon, Ennajie Laure, Mayet Zapanta, Amanda Villanueva at Bernadette Pons.