Inanunsyo ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Sec. Henry Aguda nitong Biyernes, Agosto 28 na idadagdag na ng online gaming platform na Roblox ang National ID sa user age verification sa kanilang mga plataporma kasunod ng mga insidente ng pamamaril sa mga paaralan sa iba’t ibang parte ng bansa.
Sa panayam ni Aguda sa radyo, binanggit niyang bukod sa kasalukuyang facial recognition na pinapairal ng Roblox, ipinangako ng pamunuan nilang isasama na nila ang Philippine Identification System (PhilSys) sa kanilang age verification system simula sa darating na Oktubre.
“Nag-agree sila [Roblox] this year na mag-iintegrate na sila sa PhilSys. Sabi nila [Roblox] pagdating sa identity at age verification, ready na sila mag-integrate sa PhilSys. So may team silang dadating dito next week para pag-aralan na ‘yong integration. So baka October, integrated na [PhilSys],” ani Aguda.
Ibinahagi pa ni Aguda na tinatanggal na raw ng Roblox ang “dummy accounts” na nagawa sa plataporma nila.
“Si Roblox, tinatanggal na nila ‘yan [dummy accounts]. In fact, may dalawang mechanism sila para malaman kung dummy account. Yung behavior doon sa chat, binabasa nila tapos kapag nakita nilang nagpapanggap yung tao doon, tinatanggal na nila,” paliwanag ni Aguda.
“Second, kapag duda sila doon sa identity verification, nagpapa-revalidate sila,” dagdag pa niya.
Ibinahagi pa ng Kalihim, pinag-aaralan na rin ng social media platform na Meta ang mas pagpapaigting ng kanilang age verification process.
“Yung kay Meta medyo mahaba-haba yung listahan ng mga gagawin nila. Hindi ko na sila pangungunahan, marami po silang i-aannounce at matutuwa yung mga magulang sa atin dahil mukhang seryoso na ngayon si Meta,” saad ni Aguda.
Nangako rin daw ang Meta na agad nilang ipagbibigay-alam sa mga awtoridad kung may “authenticated user” sa plataporma nilang masasangkot sa anumang krimen.
Habang ang trolls naman, tiniyak ng Meta na agad nilang tatanggalin ang accounts na gumagamit nito.
Matatandaang kinonsidera na ng DICT i-ban ang Roblox noong Hunyo dahil sa umano’y iba’t ibang kaso ng child abuse rito.
MAKI-BALITA: Sikat na gaming platform, posibleng i-ban sa bansa dahil sa child abuse cases
Gayunman dahil sa maayos na pakikipag-ugnayan ng Roblox sa mga awtoridad, pinayagan ng DICT ang pagpapatuloy ng kanilang operasyon sa bansa.
MAKI-BALITA: Roblox, lusot sa online games banning sa bansa!
Matatandaan ding inanunsyo ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na kinokonsidera nila ang pag-block sa social media platform na Facebook sa bansa matapos ang insidente ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University (AdZU) noong Martes, Agosto 18.
MAKI-BALITA: Facebook, posibleng ipa-block ng CICC sa Pilipinas