Pinabulaanan ni Sen. Robin Padilla ang mga sabi-sabi umanong may mga senator-judge na kumakampi sa panig ng defense o maging sa prosecution sa Senate impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa naging pahayag ni Padilla sa panayam sa kaniya ng media nitong Huwebes, Agosto 27, 2026, idiniin niyang gampanin lang daw nilang mga senador na hanapin ang katotohanan sa pagitan ng pinaglalaban ng defense at prosecution.
“Hindi naman siguro. Para sa akin, trabaho lang ng senador hanapin ang—kasi iba’t iba ang katotohanan. May katotohanan ang defense, may katotohanan ang prosecution,” pagsisimula niya.
Ani Padilla, trabaho raw kasi nilang hanapin ang “realidad” sa mga nangyayari na hindi umano saklaw ng naratibo ng impeachment trial.
“Kaming mga senador, dapat hanapin namin ‘yong totoo, ‘yong realidad. Kasi may realidad, e, kung ano talaga ‘yong nangyayari [na] hindi nauukol sa naratibo,” aniya.
Pagpapatuloy pa niya, partikular umano sa pinunto ng presiding officer na si Senator-Judge Chiz Escudero na ang tanging ang “hustisya” lang daw ang kailangang makamit ng defense at prosecution.
“Kasi nga binanggit nga din ni Sen. Chiz, kailangang ang makamit ng prosecution at ng defense ay justice. Kailangang makuha natin ‘yong hustisya,” pagtatapos pa ni Padilla.
Matatandaang tila kinompronta ni Padilla sa ika-19 na araw ng impeachment trial noong Miyerkules, Agosto 26, si private prosecutor Atty. Mae Divinagracia kaugnay sa kahalagahan umano ng paggamit ng mga alyas ng recipients ng confidential funds kagaya raw ng paggamit ng mga bayani ng mga hindi totoong pangalan sa panahon ng giyera noon.
Giit ni Padilla, ginagamit na raw noon pang 1892 hanggang 1896 ng mga bayani ang pagtatago sa likod ng alyas maliban sa naganap na pagtatraydor umano Teodoro Patiño at pagsusuplong sa Katipunan noon.
Inihalintulad din ni Padilla ang naging malagim na sinapit umano ng Trece Mártires o ng Thirteen Martyrs of Cavite matapos mapaslang ang mga ito nang lumantad ang kanilang mga pagkakakilanlan noong Setyembre 12, 1896.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Robin, idiniing mahalaga alyas sa confidential funds tulad ng ginawa ng mga bayani
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bam, nagpatutsada sa pagbanggit ni Sen. Robin sa alyas ni Ninoy Aquino