Intensyon umanong gawing pulido ng magkapatid na sina two-time Olympic gold medalist Carlos “Caloy” Yulo at 2026 FIG Apparatus World Cup gold medalist Karl Eldrew Yulo ang kanilang preparasyon para sa nakatakda nilang pagsabak sa 20th Asian Games.
Sa naging panayam ng mamamahayag na si Paige Javier ng ABS CBN News sa mag-utol na Yulo noong Lunes, Agosto 24, 2026, isinaad nilang nagtutulungan sila sa pag-eensayo.
Ani Eldrew, nakikinig daw siya sa kuya niyang si Caloy tungkol sa mga bagay na nalalaman nito na hindi niya pa alam.
“Okay naman po kasi nagtutulungan din po kami sa mga bagay na may alam siya tapos wala akong ano. Nagse-share kami ng knowledge namin and ready na rin po,” aniya.
Batay naman ni Caloy, may mga kulang o hindi pa raw silang nagagawa at susubukan daw nilang kumpletuhin ang kanilang performance sa nakatakda nilang pagdalo sa training camp sa Japan simula sa darating na Setyembre 2, 2026.
“May mga kulang pa po kami na hindi pa nagagawa. Pero may time pa naman po. May training camp kami na paparating sa September 2 sa Japan. Ita-try namin na makumpleto siya,” ani Caloy.
Dagdag pa niya, “More on polishing lang talaga. Walang mga extra or new skills na gagawin. Kung ano po ‘yong mga nagawa namin last Asian championships, mas papagandahin lang po namin ‘yong performance para doon.”
Diin ni Caloy, naniniwala raw siyang malakas ang puso ng mga kagaya nila atletang Pilipino kumpara sa ibang lahi kaya raw isang karangalan pa rin ang irepresenta ang Pilipinas at para din daw sa Diyos.
“For me, again, it is really an honor to represent the country. Also syempre dala-dala natin ‘yong puso ng Pilipino and gusto kong ipakita natin doon na kaya natin. Naniniwala ako sa kakayahan natin na feeling ko tayo lang ‘yong talagang malakas pumuso,” ‘ika niya.
“Pagpusuan natin. Syempre lahat ng ginagawa ko para kay Lord ito. Ang wish and pray ko lang na mga safe kami and magampanan po namin ‘yong gusto nating gawin sa competition,” aniya pa.
Pagpapatuloy naman ni Eldrew, excited na raw siyang humarap sa 20th Asian Games ngunit kinakabahan pa rin umano siya dahil debut niya ito sa kaniyang senior year.
“Ako naman po is super excited and of course kinakabahan pa rin po kasi it’s still may debut, first senior year ko pa rin po. So ako po, low expectation pa rin right now pero gagawin ko po ‘yong pinaka the best para manalo,” paglilinaw niya.
“Andoon pa rin po ‘yong mindset na gusto ko pong manalo pero low expectation pa rin po,” pagtatapos ni Eldrew.
Nakatakdang magsimula ang 20th Asian Games sa darating na Setyembre 19 hanggang Oktubre 4, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: Mag-utol na Yulo, selyado ginto at bronze medal sa floor exercise final sa China!
KAUGNAY NA BALITA: Yulo siblings, Chloe San Jose magkakasamang nag-travel sa Australia