Idiniin ng House prosecutor na si Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon na maituturing umano nilang isa sa mga “smoking gun” o matibay na ebidensya ang mga inilahad sa impeachment trial ni dating Office of the Vice President (OVP) Special Disbursing Officer (SDO) Gina Acosta noong Lunes, Agosto 17, 2026.
Matatandaang isa sa naging mainit na usapin noong ika-16 araw ng impeachment trial ang tungkol sa naging pagkukumpirma ni Acosta na inutos umano ni Vice President Sara Duterte Sara na ibigay ang nakubra niyang ₱125 milyong confidential funds kay dating Vice Presidential Security and Protection Group (VPSG) head na si Col. Raymund Dante Lachica.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Mga pinuntusang salaysay ng Prosecution sa pagtestigo ni Gina Acosta!
Sa pahayag ni Ridon sa ikinasang “Saturday News Forum” ng Kamara nitong Sabado, Agosto 22, 2026, sinabi niyang kuntento naman daw sila sa mga isinalaysay ni Acosta sa nagdaang paglilitis.
“We are very much satisfied with how Acosta actually answered this week. Tingin ko po, ‘yong kaniyang testimonya ang talagang isa sa mga smoking gun nitong paglilitis na ito,” pagsisimula niya.
Ani Ridon, maituturing daw na “smoking gun” ang naturang impormasyong ibinahagi sa Korte ni Acosta dahil kuwestiyonable umano ang pagbibigay ng nasabing halaga ng confidential funds sa non-organic OVP personnel na si Lachica.
“Kasi directly itinuturo po niya ang Pangalawang Pangulo na nag-utos sa kaniya na ibigay ‘yong ₱125 million confidential funds kay Col. Lachica na hindi organic OVP personnel,” ‘ika niya.
Dagdag pa niya, “‘Yan po basically pinagdedebatehan doon sa COA notice of disallowance. Bakit nila ‘yon ibinigay sa isang non-organic OVP personnel.”
Pagpapatuloy ni Ridon, inaasahan pa umano ng prosecution ang iba pang matitibay na ebidensyang mailalahad sa impeachment trial laban kay VP Sara pero kinakailangan daw nilang maghintay sa iba pang mga nakatakdang testigo.
“I think we are expecting several smoking guns but we have to wait for the cannon,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon ang defense panel kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Mga posibleng kaganapan kung sisipot ng impeachment trial si VP Sara