Inihayag sa publiko ng House prosecutor na si Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon ang pagpabor nila sa mas mahabang bilang ng mga araw ng Senate impeachment trial sa loob ng isang linggo.
Sa pahayag ni Ridon sa ikinasang online press conference ng Kamara nitong Biyernes, Agosto 21, 2026, sinabi niyang mas mapapabilis daw ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte dahil magkakaroon daw sila ng mas mahabang panahon upang ilatag ang kanilang mga testigo.
“The more trial dates and the longer these days are, the better for expediting the proceedings. Kasi syempre tuloy-tuloy ‘yong paglalatag natin ng mga testigo,” pagsisimula niya.
Preno naman ni Ridon, mahalaga rin daw na isaalang-alang ang mga staff ng Senado.
“But I think, very important consideration din po ‘yong staff para sa trial. Kasi syempre, sila rin naman ‘yong nagtatrabaho behind the scene, not just for the prosecution and defense, but also for the Senate staff as well,” aniya.
Dagdag pa niya, “I think they will really have to consult the Senate Secretariat kung kakayanin ba ng Senado na magkaroon din ng ganitong mga extended na mga araw no’ng pagpasok.”
Pagpapatuloy ni Ridon, may mga legislative work pa raw na gampanin ang Senate staff sa labas ng impeachment trial sa bise presidente ngunit susunod daw sila sa kung anoman ang maging takbo ng korte sa susunod na mga linggo.
“Hindi lang naman paglilitis ‘yong ginagawa nila. Meron din silang ibang mga legislative work na ginagawa outside the impeachment,” ‘ika niya.
“We will abide by how they would want us to proceed in the next couple of weeks,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang naantala ang pagpapatuloy ng impeachment trial mula noong Martes, Agosto 18, 2026, sanhi ng masamang panahon.
Kasalukuyan nang tumetestigo ang dating Special Disbursing Officer (SDO) ng Office of the Vice President (OVP) na si Gina Acosta at isa sa naging mainit na usapin sa impeachment trial ang naging pagkukumpirma niya na inutos umano ni VP Sara na ibigay ang nakubra niyang ₱125 milyong confidential funds kay dating Vice Presidential Security and Protection Group (VPSG) head na si Col. Raymund Dante Lachica.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Mga pinuntusang salaysay ng Prosecution sa pagtestigo ni Gina Acosta!
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Erwin Tulfo sa ‘language barrier’ issue ng hostile witness: ‘Tama na ang panloloko sa atin!’