Nasa maayos nang katayuan ang estudyanteng nasugatan sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University sa Zamboanga City noong Martes, Agosto 18, ayon sa Police Regional Office 9 (PRO-9.
Ayon kay PRO-9 spokesperson Police Major Shellamie Chang, nagtamo lamang ng daplis ng tama ng bala sa likod ang estudyante at patuloy na ginagamot sa ospital.
“Meron po tayong isang injured. Pero nasa stable condition na po yung injured natin. Nadaplisan lang po siya ng bala sa likod. Undergoing po siya ng medication pa rin ngayon sa hospital,” pahayag ni Chang sa media nitong Huwebes, Agosto 20.
Samantala, nakarekober na rin ang isa pang estudyanteng naiulat na nawalan ng malay sa gitna ng insidente.
Hindi pa rin nagbabalik ang klase sa paaralan nitong Huwebes habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring pamamaril.
Dalawang estudyante ang nasawi habang hindi bababa sa anim ang nasugatan nang mangyari ang pamamaril sa loob ng campus. Isa sa mga nasawi ay isang Grade 10 student na binaril sa loob ng classroom.
KAUGNAY NA BALITA: Grade 7 student, namaril umano sa loob ng classroom habang naka-live!
Itinuturong suspek sa insidente ang isang Grade 8 student na kalaunan ay nagtungo sa ikalimang palapag ng gusali at nagpakamatay gamit ang baril.
Naiugnay naman sa isang tauhan ng Bureau of Customs (BOC), na ama ng suspek, ang mga armas na ginamit sa pamamaril.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Opisyal na naganap sa AdZU school shooting incident batay sa PNP!
Nauna nang sinabi ni Zamboanga City Mayor Khymer Adan Olaso na posibleng nakaranas ng matinding pressure ang estudyante dahil sa kaniyang grades at nakikipagbuno umano sa depression.
Ayon naman sa Department of the Interior and Local Government (DILG), nakapasok ang mga baril sa campus matapos umano itong dalhin sakay ng sasakyan ng ama ng suspek at malampasan ang security check.
Bumuo na rin ang Philippine National Police (PNP) ng Special Investigation Task Group upang alamin ang motibo at mga pangyayaring humantong sa pamamaril.