Pinalagan ni Akbayan Partylist Rep. Percival “Perci” Cendaña ang pag-atake ng online pages, influencers, at mga indibidwal na ginagawang katatawan umano ang kaniyang medical condition.
Sa inilabas na pahayag ni Cendaña nitong Biyernes, Agosto 20, 2026, inilahad niyang matagal na raw niyang pinalalampas ang mga paninira at personal na pag-atake sa kaniya sa social media at maging sa labas nito sa nagdaang mga taon.
Depensa niya, hindi na raw bago sa kaniya ang naturang pag-atake dahil parte umano ng kaniyang trabaho bilang public official ang maging sentro ng public scrutiny at kritisismo.
“Hindi rin dapat maging balat-sibuyas ang isang public official. Gaya nga ng kasabihan, ‘If you can't take the heat, get out of the kitchen.’ Pero may hangganan ang lahat,” pagsisimula niya.
Ani Cendaña, mas naging personal at mapanira na raw kamakailan ang pag-atake sa kaniya ng mga online trolls at nakakabahala umano na ginagamit ng mga ito ang kaniyang kondisyon sa kalusugan upang gawing katatawanan.
Diin ni Cendaña, hindi katatawanan ang kapansanan at hindi raw ito dapat gamiting sandata upang laitin at hiyain ang mga katulad niya.
“Hindi tamang salaulain ang dignidad o halaga ng sinumang tao, may kapansanan man o wala,” aniya.
Tirada ni Cendaña, hindi raw niya papalampasin, bilang isang stroke survivor, ang mga uri ng pambabastos na binato sa kaniya.
“I do this not just for myself but for all stroke survivors and Persons with Disabilities (PWDs) who are subjected to similarly demeaning, degrading and dehumanizing language and attacks,” anang mambabatas.
Babala niya, nakikipag-ugnayan na raw siya sa kaniyang mga abogado upang magsagawa ng legal na mga hakbang laban sa online pages, influencers, at mga indibidwal na nag-post o gumawa ng mga materyal para laitin ang kaniyang kondisyon.
“I will continue to welcome legitimate criticism and public scrutiny. But attacks that cross into harassment, humiliation, and discrimination will be dealt with accordingly. I will not remain silent,” pagtatapos pa niya.
Samantala, hindi naman tinukoy ni Cendaña ang mga indibidwal o post na umatake sa kaniyang kondisyon.
KAUGNAY NA BALITA: Akbayan, nagpadala ng ‘love letter’ sa SC
KAUGNAY NA BALITA: Cendaña sa unang apat na taon ni PBBM: ‘Tinimbang siya, ngunit kulang!’