Binira ng ilang mga manunulat ang paggagawad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ng parangal na Kampeon ng Wika sa sarili mismo nilang mga komisyoner.
Batay sa KWF, “Ang Kampeon ng Wika ay taunang parangal ng KWF para sa mga indibidwal, institusyon, o samahang may ambag sa pagtataguyod, pagpapaunlad, at preserbasyon ng wikang Filipino at mga katutubong wika ng Pilipinas.”
Sa post ng KWF sa kanilang Facebook page nitong Martes, Agosto 18, 2026, inanunsyo nila ang paggagawad nila ng naturang parangal sa kanilang mga komisyoner na sina Dr. Carmelita C. Abdurahman, Dr. Benjamin M. Mendillo Jr., G. Alain Russ G. Dimzon, Dr. Christian T. N. Aguado, Dr. Reggie O. Cruz, at Dr. Evelyn C. Oliquino.
Sa kabila nito, tila hindi naman natuwa ang ilang mga manunulat, partikular nina S.E.A. Write Awardee Jerry Gracio, propesor at multi-awarded na makata at nobelista na si Edgar Calabia Samar, Gawad Kataga sa Pagsulat ng Dagli awardee Nap Arcilla, kolumnista na si Tonyo Cruz, at Propesor sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) at kuwentista na si Rommel Rodriguez.
Anila, tila self-serving, walang dangal, lantarang paglapastangan, at nakakahiya umano paggagawad na ito ng ahensya sa kanilang sariling mga opisyal.
“Kaibigan ko ang ilang mga current commissioners sa KWF. At alam kong wala naman sa rules na hindi puwedeng bigyan ng award ang mga Komisyoner. Pero ano ‘yun, bibigyan nila ng gawad ang kanilang mga sarili? Hindi ba self-serving ‘yun, buhat ng sariling bangko?” tirada ni Gracio noon ding Martes.
Screenshot mula sa FB post ni Gracio.
“Kapag wala kang dangal at sure kang wala nang ibang magbibigay sa iyo ng parangal e di awardan mo na nga lang ang sarili. Maligayang buwan ng wika! Kabi-kabila na ang trahedya, nakisabay pa,” saad naman ni Samar.
“Very inspiring ito para magkaroon ng Napoleon Arcilla Award na iginagawad ng Napoleon Arcilla Foundation kay Napoleon Arcilla bilang pagkilala sa kanyang pagiging Napoleon Arcilla,” patutsada ni Arcilla.
Diin naman ni Cruz, “Ang pagtanggap ng nominasyon at karangalan mula sa sariling ahensya na pinamamahalaan nila ay lantarang paglapastangan sa diwa ng Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees. Una na rito ang ‘Commitment to public interest: Put the general welfare above personal gain.’ Maaari rin itong ‘abuse of power’ para maparangalan ang mga sarili nila.”
“Parang ako ang nahiya para sa kanila. Tapos sina Mendillo at Abdurahman ang nagpatigil sa paglabas ng aming mga libro noong 2022,” hinaing naman ni Rodriguez.
Samantala, hiningan na ng reaksyon, tugon, o pahayag ng Balita ang KWF at ilang komisyoner kaugnay rito, subalit wala pa silang reaksiyon, tugon, o pahayag tungkol dito.
KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: Paggamit ng AI sa akda, aprub sa writers?
KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: KWF, inilatag ‘responsableng’ paggamit ng AI para sa Filipino!