Direktang binanatan ni Kamanggagawa Partylist Rep. Eli San Fernando ang hukom ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) kaugnay sa inilabas nitong writ of preliminary injunction na nagpapatuloy sa suspensyon ng ₱85 ng dagdag-suweldo.
Kumalat sa publiko ang naturang kautusang ito ng Pasig City RTC Branch 152 noong Huwebes, Agosto 13, 2026, kung saan mababasa sa 14 pahina nilang dokumento ang pagpapatuloy na pagsuspinde sa implementasyon ng Wage Order No. 27 sa National Capital Region (NCR).
Makikitang pirmado ng Presiding Judge na si Marie Joyce Manongsong ang kautusan ng Korte na pumapayag sa hiling ng mga kompanyang Readycon Trading and Construction Corp., at R-II Builders.
Sa naging tugon naman ni San Fernando sa kaniyang Facebook post noon ding Huwebes, idiniin niyang naglabas daw ang Korte ng kautusan kahit walang hurisdiksyon dahilan para magpatuloy ang suspensyon sa implementasyon ng wage hike hanggang hindi raw nasasaraduhan ang kaso.
“[K]ahit walang jurisdiction, naglabas na ang KORTE ng preliminary injunction,” pagsisimula niya.
Paglilinaw pa niya, “[Ibig sabihin], [suspendido] ang [dagdag sahod] hanggat hindi natatapos o nasasaraduhan ang kaso.”
Tirada ni San Fernando, “walanghiya” raw ito na regalo para sa kaniyang kaarawan, noon ding Huwebes, ng hukom na si Manongsong at ngayon lang umano nangyari ang ganito.
“Walanghiyang pa-birthday ito ni Pasig RTC Branch 152 Judge Marie Joyce Manongsong!” buwelta niya.
“Ngayon lang nangyari ito!” pagtatapos pa ng mambabatas.
KAUGNAY NA BALITA: San Fernando, binakbakan si Tolentino: 'Inutil ka ba?'
KAUGNAY NA BALITA: Akbayan, nagpadala ng ‘love letter’ sa SC