Binali ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag ang kumalat na usap-usapang pumunta siya sa Davao City nitong Biyernes, Agosto 14, 2026, upang tugisin ang nagtatagong si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Sa halip, lumabas na nagkaroon ng operasyon ang NBI laban sa steel manufacturing facility na Davao Mighty Steel Corporation sa Davao City na nagsu-supply umano ng mga substandard na kalidad ng bakal.
Sa naging tirada ni Matibag nang makapanayam siya ng media nitong Biyernes, sinabi niyang pumunta raw sila sa Davao City para lusubin ang naturang manufacturing facility ng bakal at hindi para manghuli ng “Bato” o si Dela Rosa.
“Nandito kami sa Davao, ang nahuli namin, hindi bato—bakal,” aniya.
Sa naging pahayag pa ni Matibag sa ikinasa nilang press conference sa parehong nabanggit na lugar, nilinaw naman niyang patuloy pa rin daw na minamatyagan ng kanilang tracking team si Dela Rosa.
Aniya, umaasa raw siya na makapagsagawa na sila ng operasyon sakaling makumpirma nila ang lokasyon ng naturang senador.
“We have a team tracking him, under surveillance. We identified some areas that we are monitoring,” paliwanag niya.
“I hope, sooner than later, we can make an operation kung talagang sigurado na kami doon sa location,” pagtatapos pa ni Matibag.
Samantala, hindi naman direktang ibinahagi sa media ng NBI director ang lokasyon kung nasaan umano si Dela Rosa ngunit sinabi niyang nasa Pilipinas pa rin daw ito.
Matatandaang pumutok ang mga balita ng umano’y pagkahuli ng mga awtoridad kay Dela Rosa noong Martes, Agosto 4, 2026, ngunit mariing pinabulaanan ng mga ahensya ng DOJ, Philippine National Police (PNP), NBI, at iba pa ang naturang impormasyon.
KAUGNAY NA BALITA: Vida sa naglabas ng info na nahuli si Sen. Bato: 'Baka nagpapapansin lang!
KAUGNAY NA BALITA: 'Wala sa akin ang bato!' Sen. Robin, nilinaw bakit kasama misis ni Sen. Bato sa Davao City