August 13, 2026

Home BALITA National

'Walang ganoon:' Sen. Ejercito, blanko umano sa 'leadership funds' sa nat'l budget

'Walang ganoon:' Sen. Ejercito, blanko umano sa  'leadership funds' sa nat'l budget
Photo courtesy: MB FILE PHOTO

Inihayag sa publiko ni Sen. JV Ejercito na wala raw siyang alam tungkol sa “leadership funds” na isiniwalat ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoan sa umano’y inilaang pondo para sa infrastructure projects ng mga senador. 

Matatandaang batay sa paliwanag ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson nitong Huwebes, Agosto 13, 2026, sinabi niyang nagmula lang naman daw ang leadership funds o “allocables” kina Bonoan at dating DPWH Usec. Maria Catalina Cabral.

Aniya, hindi naman daw ilegal ang allocables o leadership funds sa national budget ngunit “improper” daw ito dahil mas dapat daw na makihalo ang mga district representatives sa deliberasyon ng budget sa Local Development Councils, maging sa mga barangay hanggang sa mga munisipalidad.

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Ping, idiniing 'masahol pa sa pork barrel' allocables sa nat'l budget!

Sa pahayag naman ni Ejercito sa panayam sa kaniya ng media nito ring Huwebes, ipinaliwanag niyang wala raw siyang alam sa usapin ng leadership funds at naitanong na rin daw niya ito noon kay Senate President Sherwin “Win” Gatchalian na dating chairperson ng Senate Committee on Finance. 

National

Sen. Erwin, nagpasalamat kina PBBM at VP Sara sa pagbati sa birthday niya

“Wala akong ideya sa ganoon. Kasi nag-usap kami ni SP Win, dahil siya ang Finance na aking susundan. As far as he is concerned, walang ganoon mula noong siya ay Finance chair,” pagsisimula niya. 

Ani Ejercito, may mga tinatawag naman daw talagang “insertions” at “amendments” sa paghahanda ng national budget at nagagamit din daw ito sa mabubuting bagay. 

“Meron naman talagang mga tinatawag na insertions, amendments. Hindi naman lahat masama. There are good and bad,” aniya. 

Paglilinaw pa niya, “Sabihin na nating ‘yong mga pangangailangan ng mga SUCs. Halimbawa programa ko ay health. Kapag may nag-request ng mga ospital sa probinsya, syempre tutulungan mo yun kapag ni-refer sa amin. Malamang charge, kumbaga charge sa account mo kapag ni-refer mo at naaprubahan.” 

Diin ni Ejercito, maaari lang daw silang mag-refer ng proyekto sa mga ahensya ng gobyerno at ang mga ito na raw ang magsasala at mag-aapruba sa iminungkahi nilang gawin. 

“Huwag lang magkakaroon ng post enactment intervention o kaya ‘yong tinatawag na ‘allocables’ na nadiskubre natin noon. In fact s Senate, it’s a new word. Di ba noong nabanggit ‘yan, hindi namin alam ‘yong allocables,” giit pa niya. 

Samantala, tiniyak ni Ejercito na makakasiguro daw ang publiko na ipagpapatuloy niya ang mga repormang nasimulan ni Gatchalian, at isusulong niya ang accountability at pagprotekta sa national budget dahil hindi raw niya papayagan ang mga last minute insertions sa bicam. 

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Migz, itinanggi 'leadership fund' mula sa DPWH noong SP pa siya!