August 13, 2026

Home BALITA National

Sen. Ping, idiniing 'masahol pa sa pork barrel' allocables sa nat'l budget!

Sen. Ping, idiniing 'masahol pa sa pork barrel' allocables sa nat'l budget!
Photo courtesy: MB FILE PHOTO

Pinuntirya ni Sen. Panfilo “Ping: Lacson na mas masahol pa umano sa pork barrel o Priority Development Assistance Fund (PDAF) ang “allocables” o “leadership funds” sa national budget. 

Sa naging pahayag ni Lacson sa panayam sa kaniya ng media nitong Huwebes, Agosto 13, 2026, ipinaliwanag niyang nilikha o nagmula lang naman daw ang leadership funds nina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoan at dating DPWH Usec. Maria Catalina Cabral. 

Ani Lacson, hindi naman daw ilegal ang allocables o leadership funds sa national budget ngunit “improper” daw ito dahil mas dapat daw na makihalo ang mga district representatives sa deliberasyon ng budget sa Local Development Councils, maging sa mga barangay hanggang sa mga munisipalidad. 

“Sa municipal city, member sila. So doon dapat sila nagde-deliberate. Doon nila inilalaban kung ano ‘yong mga projects nila sa mga districts. Para nang sa ganoon, pagdating sa Regional Councils, all the way up sa provincial, regional, nandoon na ‘yong kanilang needs and priorities in the respective districts,” aniya. 

Diin ni Lacson, nagkaroon daw ng aberya sa deliberasyon ng budget dahil hindi umano nakikihalo o binabalewala raw ng mga district representative ang output ng Regional Development Councils

National

Sen. Erwin, nagpasalamat kina PBBM at VP Sara sa pagbati sa birthday niya

“Kasi pagdating sa Congress, ang sinasabi ng mga district representatives, ‘Bakit pa tayo makikialam diyan, pagdating naman sa Congress, tayo ang bida,’” tirada niya. 

“Kaya na-disrupt ‘yong budget cycle or budget process, because of this,” ika pa ng senador. 

Buwelta ni Lacson, hindi raw dapat makidampot ang mga congressman at senador sa budget preparation dahil nasa gampanin daw ito ng mga ehekutibo pababa sa local government units (LGU).  

“Ang pakialam ng Congress, congressmen and senators, dito sa tinatawag na authorization phase. Meaning, legislation. Doon puwedeng mag-amend, AKA insertions,” paglilinaw pa niya. 

Paliwanag niya, “Kasi kung doon pa lang sa NEP ay naka-insert na, parang ito ‘yong sabihin na nating descendants ng pork barrel. Which was outlawed way back in 2014. Outlawed na ‘yan, e. Declared unconstitutional.” 

Pagpapatuloy ni Lacson, “worst” o mas malala pa raw ang “allocables” kaysa sa pork barrel dahil nakikialam na umano ang mga congressman sa gampanin ng mga ehekutibo sa budget preparation. 

“Pero ngayon, nakaimbento na naman. Sa halip na pork barrel, worst pa. Kasi ang pork barrel, doon na ‘yon sa Congress. Ito, executive domain pa lang, nandoon na, nakialam na ‘yong mga congressmen because ino-offeran nga ng allocables. And what a term, ha, ‘alloc,’ ‘alok,’” pagtatapos pa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: Bako-bakong kalsada sa bagong renovated portion ng EDSA, iimbestigahan ng Senado!

KAUGNAY NA BALITA: Lacson, nagpatutsada: 'Even the devil can quote Scripture'