Isinusulong ni Sen. Ping Lacson ang imbestigasyon ng Senado sa rehabilitasyon at pagkukumpuni ng EDSA matapos lumitaw ang mga bagong lubak sa ilang bahagi ng pangunahing lansangan kasunod ng ilang araw na pag-ulan.
Sa Senate Resolution No. 594, hiniling ni Lacson sa Senate Committee on Public Works na magsagawa ng inquiry in aid of legislation upang suriin ang mga pamantayan sa disenyo at engineering na ginamit sa mga proyekto at alamin kung sino ang dapat managot sa mabilis na pagkasira ng mga bagong kumpuning bahagi ng EDSA.
Ayon kay Lacson, nagdulot ng pinsala ang tuloy-tuloy na pag-ulan na dala ng habagat sa ilang pangunahing kalsada sa Luzon, kabilang ang mga bahagi ng EDSA na kamakailan lamang isinailalim sa rehabilitasyon.
Aniya, ang pagkakaroon agad ng mga bagong lubak ay nangangahulugang kakailanganin na naman ng karagdagang maintenance sa mga bahaging kakukumpuni pa lamang.
“The presence of fresh potholes means the newly repaired avenue will already require another round of maintenance,” ani Lacson.
Ipinunto ng senador na dapat siyasatin kung nasunod ang mga itinakdang pamantayan sa pagpaplano, disenyo, konstruksyon at pamamahala ng mga proyektong imprastraktura ng pamahalaan.
Nabanggit din ni Lacson ang naging inspeksiyon ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa mga apektadong bahagi ng EDSA. Sa naturang inspeksiyon, nagpahayag din ng pagkabigla si Dizon sa mabilis na paglitaw ng mga lubak.
“Dapat na-anticipate natin ito ah,” ani Dizon sa media kamakailan.
Para kay Lacson, ipinapakita nito ang pangangailangang repasuhin ang disenyo ng mga kalsada, partikular ang mga sistema ng drainage at iba pang salik na nakaaapekto sa tibay ng pavement dahil malaking dahilan ng pagkasira nito ang tubig.
Binanggit din ng senador ang Republic Act No. 12009 o New Government Procurement Act, partikular ang probisyon ukol sa defects liability period ng mga infrastructure project.
Sa ilalim ng naturang probisyon, may pananagutan ang contractor sa loob ng isang taon mula sa pagkumpleto ng proyekto hanggang sa final acceptance para sa pagkukumpuni ng mga pinsalang dulot ng mababang kalidad ng materyales, depekto sa konstruksyon o paglabag sa kontrata, alinsunod sa mga itinakdang kondisyon ng batas.
Layunin ng imbestigasyon na matukoy ang mga posibleng pagkukulang at makapaglatag ng mga hakbang upang maiwasan ang maagang pagkasira ng mga pampublikong imprastraktura.