August 13, 2026

Home BALITA National

PNP, nakadiskubre ng bangkay na 'malayo-layo' sa Senado!

PNP, nakadiskubre ng bangkay na 'malayo-layo' sa Senado!
Photo courtesy: PNP, MB

Inanunsyo sa publiko ng Philippine National Police (PNP) ang nadiskubre umano nilang bangkay ng isang lalaki sa lugar kung saan may layong 400 hanggang 500 metro sa Senado.

Batay kay PNP Spokesperson Col. Allen Rae Co sa ikinasa nilang press conference nitong Huwebes, Agosto 13, 2026, sinabi niyang natagpuan daw ang bangkay ng naturang lalaki sa Libertad Channel, malapit sa Diokno Boulevard sa Pasay City. 

“Meron din pong natagpuan na yumaong tao sa may labas, but this actually, malayo-layo po ito sa Senate premises around four to 500 meters away within the area,” pagsisimula niya. 

Ani Co, tinatayang nasa 60 hanggang 65-anyos ang bangkay ng lalaking nakilala umano nila sa alyas na “Tropa.” 

“He was found to be around 60 to 65 years old. Hindi pa po masigurado natin ngayon. He is well-known in the area. Alyas ‘Tropa’ raw siya,” aniya. 

National

Sen. Erwin, nagpasalamat kina PBBM at VP Sara sa pagbati sa birthday niya

Paliwanag ni Co, namataan pa raw bandang 9:00 ng gabi noong Miyerkules, Agosto 12, si Tropa habang sumusuka ito ng dugo at inalok ng mga nakakita ng tubig, ngunit tumanggi umano ang lalaki. 

“Around 9:00 in the evening last night, August 12, ay nakita po siyang sumusuka ng dugo. At ‘yong mga nakakita po naman ay inofferan siya ng pagkain. Although he refused and he chose to lay down, matutulog,” saad niya. 

“Sa kasawiang palad ay noong around 6:00 to 6:30 in the morning, natagpuan na po siyang unresponsive,” ‘ika pa ng spokesperson. 

Pagpapatuloy ni Co, tinitingnan pa raw ng pulisya ang naging sanhi ng pagkamatay ni Tropa at idadaan umano ang mga labi nito sa medical examination.  

“As of now, ang tinitingnan talaga po is he died of natural causes. But of course, he will be subjected to the proper examination and medical examination para po makita natin talaga ang cause of death,” pagtatapos pa niya. 

MAKI-BALITA: Pulis na nasawi sa pagsagip sa dalawang kasamahan, sinaluduhan

MAKI-BALITA: Nartatez, tiniyak masusing imbestigasyon sa mga inabandonang ataul sa Metro Manila