Inilahad sa publiko ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang pinaplano umano ng Department of Energy (DOE) na pagbili sa enerhiyang magmumula sa mga basura.
Sa naging pahayag ni PBBM sa pagpunta niya sa Diokno Pumping Station sa Pasay City nitong Miyerkules, Agosto 12, 2026, sinabi niyang pinag-uusapan na raw nilang mabuti ni DOE Sec. Sharon Garin ang tungkol sa plano ng naturang ahensya sa pagbili ng enerhiyang magmumula sa waste to energy plant.
“Andito si Sec. Sharon ng Department of Energy. Dahil pinag-uusapan namin nang mabuti ‘yong waste to energy na mga plano. Mukhang patuloy naman ang ating mga ginagawa, ang ating mga programa, at we are starting to move forward,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Mag-a-auction na raw. Kasi bibilhin ng Department of Energy ‘yong power na manggagaling sa waste to energy. Kaya’t ‘yon ang nine-negotiate nila ngayon.”
Anang Pangulo, ito na raw ang nakikita nilang tanging solusyon sa problema sa basura dahil puno na raw ang mga landfill na kinokolekta at dinadala ng mga local government unit (LGU) sa kani-kanilang mga lugar.
“‘Yan ang tanging solusyon dahil ‘yong mga landfill [ay] puno na at pamahal na nang pamahal ang pagpapadala. Kaya’t ang amin na lang iniisip is the location. Kasi sistema diyan, ang LGU ang bahala sa pagkolekta at pagdala, sa ngayon, sa landfill,” aniya.
Diin niya, “Ang ating iniisip, imbes na sa landfill dadalhin, dadalhin sa waste to energy plant.”
Pagpapatuloy ni PBBM, humahanap na raw sila ng mga lokasyong pagtatayuan ng waste to energy plant upang mabawasan umano ang binabayaran ng LGU sa hauling ng basura.
“Tinitingnan natin kung ano ‘yong mga location para naman hindi masyadong malaki ang kailangang bayaran ng LGU para sa hauling na dadalhin ‘yong basura kung saan man ‘yong magiging waste to energy plant,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Gobyerno, 'di kakayaning magtrabaho nang magtrabaho kung pabaya nang pabaya ang taumbayan—Palasyo
KAUGNAY NA BALITA: PBBM sa baha: Dati hanggang leeg, dibdib umaabot; ngayon kulang pa sa tuhod