August 07, 2026

Home BALITA National

Usec. Castro kay VP Sara: 'Harap siya sa salamin at tanungin ibig sabihin ng 'professional''

Usec. Castro kay VP Sara: 'Harap siya sa salamin at tanungin ibig sabihin ng 'professional''
Photo courtesy: RTVM, OVP

Tumirada si Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro kay Vice President Sara Duterte na humarap daw ito sa salamin at saka itanong ang kahulugan ng salitang “professional.” 

Matatandaang naunang binanatan ni VP Sara si Castro noong Huwebes, Agosto 6, 2026, na dapat daw siyang maging propesyonal sa kaniyang trabaho bilang spokesperson ng Office the President at ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

KAUGNAY NA BALITA: 'She doesn't have the liberty:' VP Sara, binirang maging 'professional' si Usec. Castro

Sa naging tugon ni Castro sa ikinasa niyang livestream sa kaniya YouTube channel noon ding Huwebes, sinabi niyang dapat din daw na ikonsidera ni VP Sara sa kaniyang sarili kung propesyonal din ito. 

Diin ni Castro, maituturing ba umano ni VP Sara na propesyonalismo ang pagmumura, pagbabanta sa buhay ng Pangulo, pagnanais na gumamit araw-araw ng flying vehicle na chopper, paglipad madalas palabas ng Pilipinas, at hindi raw pagtatrabaho. 

National

Atty. Baligod, 'naiintindihan' umano desisyong pagtiwalag ng 4 sa 18 ex-soldiers!

“First, ‘yong pagmumura mo. Does it show professionalism? Pagbabanta mo sa buhay ng ibang tao, especially Pangulo. ‘Yong pagnanais mo na gamitin ‘yong chopper daily nang wala kang pakialam sa gastusin, pagta-travel mo kahit may bagyo, at pagta-travel mo nang madalas nang hindi ka na nakakapagtrabaho bilang bise presidente… pagkilala, pag-amin ng kaniyang pagbabanta… na gusto niyang ipapatay ang Pangulo. Lahat ‘yan, pati ‘yong pagpe-fake news niya, professionalism ‘yan?” buwelta niya. 

Patutsada ni Castro, tila nakakahiya naman daw sa mga trabahador na hindi lumiliban sa kanilang tungkulin at matapat na nagtatrabaho kung ituturing daw ni VP Sara na propesyonal ang kaniyang sarili. 

“Parang nakakahiya sa ibang mga talagang honest na nagtatrabaho, hindi nag-aabsent sa kanilang trabaho, parang nakakahiya naman kay bise presidente. Kasi feeling niya, siya ‘yong professional,” aniya. 

“Sana harap muna siya sa salamin. Mas magandang humarap sa salamin ang bise presidente, tanungin niya sa sarili niya, ‘Ano nga ba ang ibig sabihin ng professional?’ Kasi parang iba ang kaniyang ginagamit na dictionary,” pagtatapos niya. 

Sa pormal naman na tugon ni Castro na lumabas sa mga media noon ding Huwebes, idiniin din niyang mas nakikita raw ang tunay na propesyonalismo sa gawa at hindi puro sa salita.

Partikular umano sa mga lider na nananatili sa bansa sa oras ng mga kalamidad, sumusunod sa batas, hindi gumagamit ng dahas, humaharap sa mga akusasyon, hindi naninira sa administrasyon, tumutulong sa pag-unlad, at hindi raw nagiging dahilan ng pagbagsak ng pamahalaan.

Depensa ni Castro, sumasagot lang daw siya sa mga walang basehang akusasyon laban sa Pangulo at nagsisimula daw mamersonal at manira sa kaniya si VP Sara kapag hindi raw nito nasasagot ang kaniyang mga nasasabi. 

“Sumasagot lamang tayo sa mga walang basehang akusasyon sa Pangulo at alegasyon na may bitbit na ebidensya. Kapag hindi niya nasasagot ang aking mga nasasabi, magsisimula na siyang mamersonal at manira nang walang basehan. Hindi iyan professional,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na bagong tugon, reaksyon, o pahayag si VP Sara kaugnay rito. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Gobyerno, 'di lang dapat tumutok sa baha sa Davao City’—VP Sara