August 07, 2026

Home BALITA Metro

DOLE, labor groups, employers nagkasundo sa panawagang i-lift TRO sa ₱85 taas-sahod

DOLE, labor groups, employers nagkasundo sa panawagang i-lift TRO sa ₱85 taas-sahod
Photo courtesy: Francis Tolentino/FB


Idiniin ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino na nagsanib-puwersa ang kanilang ahensya, mga labor group, at mga employer upang iapela ang pag-lift ng temporary restraining order (TRO) na ibinaba hinggil sa ₱85 wage increase para sa mga minimum wage earners sa National Capital Region (NCR).

Sa pakikipanayam ni Sec. Tolentino sa media nitong Biyernes, Agosto 7, iginiit niyang “breakthrough” ang pagkakasundo ng mga nabanggit upang maipatupad na ang nasabing wage order.

“Nagkasundo, magkakasundo, nagkasundo ang employers, manggagawa, na manawagan sa husgado na i-lift ang temporary restraining order ng Branch 152,” saad ni Sec. Tolentino.

Natanong din ang kalihim hinggil sa magiging papel ng DOLE kaugnay sa naturang pag-aapela.

“Kasama kami do’n sa tripartite system, e. So, kasama kami doon sa sumusuporta at lalagda—so lalabas ‘to ngayon,” anang kalihim.

“This is a breakthrough, this just happened today…nagkasama ang employers at employee[s] [na] nagkasundo,” aniya pa.

“Nandiyan ang lahat ng labor groups na manawagan, kasama ang employers, kasama ang DOLE, na i-lift ang temporary restraining order,” pagtatapos ni Sec. Tolentino.

MAKI-BALITA: DOLE, inanunsyo ₱85 minimum wage increase sa Metro Manila-Balita

Sa kaugnay na ulat, matatandaang ipinagdiinan ni Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno na hindi umano puwedeng pigilan ng korte ang pagpapatupad o implementasyon ng wage order.

“Sa Article 126 ng Labor Code, hindi maaaring pigilan ng korte ang pagpapatupad ng wage order. Dapat manaig ang batas at ang karapatan ng mga manggagawa,” saad ni Diokno sa kaniyang Facebook post kamakailan.

Aniya pa, “Dapat manaig ang batas at ang karapatan ng mga manggagawa.”

MAKI-BALITA: Pagpapatupad ng wage order, ‘di pwedeng pigilan—Diokno-Balita