August 06, 2026

Home SPORTS

Rene Baterbonia, binigyang-pugay sa Senado

Rene Baterbonia, binigyang-pugay sa Senado
Photo courtesy: Rene Baterbonia, Senate of the Philippines (FB)

Pormal na pinagtibay ng Senado noong Miyerkules,Agosto 5, ang isang resolusyong nagbibigay-pugay sa buhay, legasiya at mga naiambag sa Philippine sports ng yumaong Ateneo de Manila University basketball player na si Rene Clert "Bobet" Baterbonia.

Dumalo sa sesyon ng Senado ang mga magulang ni Baterbonia na sina Rovelyn at Rene Baterbonia, Sr., kung saan personal nilang nasaksihan ang pag-apruba sa naturang resolusyon bilang pagkilala sa kanilang anak.

Ang resolusyon ay inihain noon ni Sen. Robin Padilla sa pamamagitan ng Senate Resolution No. 57, na layuning kilalanin ang dedikasyon, disiplina at husay ni Baterbonia bilang isang student-athlete at inspirasyon sa kabataang Pilipino.

Sa dokumento, binigyang-diin din ang kaniyang pagmamahal sa pamilya, paaralan at bayan, gayundin ang pagsisikap niyang maitaguyod ang kaniyang mga pangarap sa pamamagitan ng athletic scholarship.

Si Baterbonia, na tubong Talacogon, Agusan del Sur, ay kinilala bilang isa sa pinakamahuhusay na batang basketball player sa bansa.

Alex Eala, pinuri; tumangging pumirma sa watawat

Noong 2025, itinanghal siyang Most Valuable Player (MVP) ng Palarong Pambansa at naging bahagi rin ng koponang nagkamit ng gintong medalya para sa Pilipinas sa ASEAN School Games sa Brunei.

Matatandaang nasawi si Baterbonia, kasama ang teammate niyang si Divine Adili, matapos silang malunod sa isang team-building activity ng Ateneo men's basketball team sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8, 2026.

Ang insidente ay nagbunsod ng magkakahiwalay na imbestigasyon ng iba't ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), Commission on Higher Education (CHED) at Philippine Sports Commission (PSC), upang matukoy ang mga pananagutan at mapalakas ang mga safety protocol para sa mga student-athlete.

Samantala, bilang pagpapatuloy sa kanyang legasiya, nagtatag ang Ateneo de Manila University ng scholarship fund na nakapangalan kina Baterbonia at Adili upang makatulong sa mga susunod pang henerasyon ng mga student-athlete.

Maki-Balita: 'Akala ko training lang, hindi military training!'—Ina ni Rene Baterbonia

Ibinahagi naman ni Rovelyn ang mga larawan niya habang nasa loob ng Senado, kung saan nakapagpa-picture pa siya sa aktor na si Phillip Salvador, na hindi naman sigurado ang rason kung bakit nasa vicinity nito.

Ibinahagi rin ng ina ni Bobet ang larawan nila ng mister kasama si Ultimate Multimedia Star Toni Gonzaga, na espekulasyon ng mga netizen, ay kinapanayam sa talk show vlog niyang "Toni Talks."

Maki-Balita: Ina ni Rene Baterbonia, nagpa-pic kina Phillip Salvador at Toni Gonzaga; nagpasalamat sa anak