Nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat si Rovelyn Baterbonia, ina ng yumaong Ateneo student-athlete na si Rene Baterbonia, matapos siyang makadalo sa Senado kaugnay ng Senate resolution na nagbibigay-pugay sa alaala ng kaniyang anak, nitong Miyerkules, Agosto 5.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Rovelyn ang ilang larawan kasama ang aktor at natalong senatorial candidate na si Phillip Salvador at TV host-actress na si Toni Gonzaga-Soriano.
Kasabay nito ay ibinahagi niya ang kaniyang mensahe ng pasasalamat sa kaniyang anak na pumanaw.
"thank you po sa inyo Kong Hindi dahil sa anak ko Hindi Ako makapag papicture sa mga atistang mababait tulad ng aking anak," ani Rovelyn.
Umani ng simpatiya at suporta mula sa netizens ang naturang post, kung saan marami ang nagsabing kahit sa gitna ng kaniyang pagdadalamhati ay nananatili niyang ipinagmamalaki ang alaala ng kaniyang anak.
Espekulasyon naman ng mga netizen na maaaring kaya nakipagkita si Rovelyn, at ang mister na si Rene Baterbonia, Sr. kay Toni, ay sasalang sila sa panayam nitong "Toni Talks."
Matatandaang naging laman ng mga balita ang pagkamatay ni Rene matapos malunod sa training, na nagdulot ng matinding kalungkutan sa komunidad ng unibersidad at sa publiko.
Bilang pagkilala sa kaniyang buhay at ambag, naghain ang Senado ng isang resolusyon upang parangalan ang kaniyang alaala, na inisponsor ni Sen. Robin Padilla.