Pinatutsadahan ni private prosecutor Atty. Lorna Kapunan si Atty. Kristine Ferrer, mula sa defense panel, kaugnay sa naging paghaharap nila sa Senate impeachment trial noong Miyerkules, Agosto 5, 2026.
Sa naging pahayag ni Kapunan sa ikinasang press conference ng prosecution panel nang matapos ang impeachment trial noon ding Miyerkules, sinagot niya ang tungkol sa papuring “masterclass” ng publiko sa ipinakita niya sa Korte at idiniin niyang dala lang daw iyon ng maraming taon na niyang karanasan sa law practice.
Buwelta ni Kapunan, matanda na raw siya kontra kay Ferrer at maaari na umano siyang ituring ng huli bilang kaniyang lola.
“Thank you for being kind. Hindi naman masterclass ‘yan. Ang feeling ko lang, after several years. Lalong-lalo na ‘yong lawyer kanina, I’m probably old enough to be her grandmother,” pagsisimula niya.
Ani Kapunan, gusto niya raw sanang pagbigyan si Ferrer ngunit tila naging tagilid ang huli sa pagbabasa ng pleading ng defense sa judicial notice imbis na finile na lang umano sana nila iyon.
“Gusto ko ngang pagbigyan kasi syempre first time niyang mag-appear. Kaya lang ‘yong inargue niya na hindi sila nag-file daw ng comment dito sa judicial notice pero mag-a-argue na lang sila. Ang inargue naman, binasa naman ‘yong pleading. Sana finile na lang niya,” hinaing niya.
Dagdag pa niya, “Alam mo, kung matagal ka na sa practice, walang nakikinig sa ganiyan. As you can see, it would have been better for her to have just filed the pleading.”
Pagpapatuloy ni Kapunan, hindi “masterclass” ang ipinapakita niya sa Korte kundi resulta lang umano ng kaniyang preparasyon at 48 taon na karanasan sa law practice.
“It’s not a masterclass. It’s just that sanay na tayo, e. It is [an] experience. But again, I will always say, even with 48 years experience, there is no substitute for preparation,” pagtatapos niya.
Diin ni Kapunan, hindi raw kasi biro ang preparasyong ginagawa ng private at public prosecutor bago sila humarap sa impeachment trial.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na tugon o reaksyon si Ferrer kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: 'Manonood pa 'ko ng Odyssey!' Atty. Kapunan, nagpatawa sa impeachment trial ni VP Sara
KAUGNAY NA BALITA: Impeachment, tuloy pa rin kahit mag-resign, magbalik ng pera si VP Sara—Atty. Kapunan